Agila sinagip matapos aksidenteng masabit sa tali ng saranggola sa Cuenca

White bellied sea eagle sinagip

Marlon Luistro
Cuenca, Batangas – Kabilang sa lahing kung tawagin ay white bellied sea eagle ang sinagip na agila sa Barangay Don Juan ng bayang ito noong ika-3 ng Pebrero.

Bandang alas-9:15 ng umaga nang araw ding iyon nang iturnover ng residenteng si Andrew Mandocdoc ang agila sa Office of the Municipal Tourism at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) sa DENR-PAMO-TVPL Visitor’s Center sa munisipyo ng Cuenca.

Kwento ni Mandocdoc, ang agilang pinangalanang si “Larry Bird” ay sumabit sa linya ng isang saranggola nang sagipin niya ito at piniling iturnover sa MENRO.

Ang nasabing agila ay orihinal na inimpake at ibiniyahe sa isang sako mula Don Juan patungo sa visitor’s center. At sa pagtutulungan na rin ng MTO, MENRO at rural health unit ng Cuenca, ang ibon ay matagumpay na nailipat sa malaking hawla na ipinahiram ng Municipal Agriculture Office at noo’y pinakain ng karne ng manok.

Pero dahil sa kakulangan ng sasakyan sa panig ng Department of Environment and Natural Resources at local government unit ng Cuenca para maibyahe ang ibon patungo sa tanggapan ng DENR CENRO Lipa City.

Kaya’t nagpalipas muna ng gabi sa Cuenca ang ibon sa tulong ng isang Jhon Umali at ng kanyang pamilya bago pinick-up kinabukasan ng DENR CENRO bandang alas-7 ng umaga. Ang nasabing hayop ay ituturnover sa DENR Wildlife Rescue and Rehabilitation Center sa Calauan, Laguna.

Patuloy namang pinaalalahanan ang taumbayan na ang mga ibon, gayundin ang iba pang mga wildlife species ay protektado sa ilalim ng RA 9147 o mas kilala bilang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act.”

Kaya ang pagpatay, pagsira, pinsala, pagpapakilala, muling pagpapakilala, pangangalakal, pagkolekta, pangangaso, pagmamay-ari , pangangalap/pagsira sa mga aktibong pugad…, pagmamaltrato at pagdadala ng wildlife ay mahigpit na ipinagbabawal. Ang paglabag sa mga nabanggit na ipinagbabawal na gawain ay may parusang parusang multa at/o pagkakulong.