Batangas Gov nakiisa sa PNP R4-A Director Command Visit sa Batangas PPO

Batangas Governor Dodo Mandanas at  PBGen Antonio Candido Yarra
Batangas Governor Dodo Mandanas at PBGen Antonio Candido Yarra (photo by Capitol PIO)

Personal na sinaksihan at nakiisa si Batangas Governor DoDo Mandanas sa Command Visit ni Philippine National Police (PNP) Regional Office – CALABARZON Director, PBGen Antonio Candido Yarra sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), Camp General Miguel Malvar sa Lungsod ng Batangas noong ika-9 ng Pebrero 2022.


Ilan sa mga nakalaang programa ay ang presentasyon ng BPPO ng accomplishment nito sa loose firearms at paggagawad ng medalya ng kagalingan at papuri sa ilang mga police personnel ng Lalawigan ng Batangas.

Sa naging mensahe ni Governor Mandanas, sumasaludo siya aniya sa magiting na pagganap ng mga kapulisan sa lalawigan na nagpapanatili ng kaayusan at seguridad simula pa noong pumutok ang Bulkang Taal hanggang sa pagsisimula ng COVID-19 pandemic.

Ibinahagi ng gobernador sa mga kapulisan, na tuloy-tuloy ang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan upang maibigay sa mga ito ang ilang mga benepisyo at serbisyo tulad ng scholarship program sa kanilang mga anak, pagbibigay ng health card, at pagkakaroon ng mga karagdagang police mobile.
Pinapurihan naman ng punong lalawigan ang mga pinarangalan na BPPO personnel, na aniya ay patunay sa kanilang dedikasyon sa tungkulin.

Sa naging talumpati ni PBGen Yarra, nais niyang palakasin pa at siguraduhin ang magandang serbisyo ng kapulisan sa CALABARZON, lalo’t higit sa Lalawigan ng Batangas. Nagpasalamat din siya kay Gov. Mandanas sa ipinapakitang suporta at tulong sa mga kapulisan, at ipinaalala sa mga kapulisan na kailangang gamitin sa maayos ang mga kagamitang ibabahagi ng pamahalaang panlalawigan upang tunay na makatulong sa serbisyo publiko. (Mark Jonathan M. Macaraig / Junjun de Chavez)