COVID-19 cases sa Quezon bumaba na sa 188

Tinuturukan ng COVID-19 vaccine ang isang senior citizen sa patuloy na bakunahan sa lalawigan ng Quezon.
Tinuturukan ng COVID-19 vaccine ang isang senior citizen sa patuloy na bakunahan sa lalawigan ng Quezon. (Photo by Quezon PIO)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Patuloy ang pagbulusok pababa ng bilang ng mga active COVID-19 cases sa lalawigan ng Quezon dahil sa madaming gumagaling sa nakahahawang sakit at mahigpit na kampanya ng kapulisan laban sa mga lumalabag sa health protocols.

Batay sa report ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) noong hapon ng Biyernes, February 11, bumaba sa 188 ang bilang ng active COVID-19 carriers buhat sa 1,805 na naitala noong January 21.

Nakapagtala ang IPHO ng 30 bagong COVID-19 cases samantalang 45 naman ang gumaling noong Biyernes.

Ang pinakahuling datos ay sumasalamin sa patuloy na pagdami ng mga gumagaling sa sakit kumpara sa bilang ng mga bagong nahahawa ng coronavirus batay sa pang-araw-araw na ulat.

Simula Feb. 1 hanggang Feb. 11, umabot sa 1,130 ang bilang ng mga gumaling sa COVID-19 samantalang 473 lamang ang napalistang bagong virus carriers, isang indikasyon na naglalaho na ang mas nakakahawang Omicron variant.

Nitong nakaraang Enero, ang IPHO ay nagtala ng 4,140 bagong kaso ng COVID-19 na posibleng dulot ng pansamantalang pagkalingat sa pagiingat sa panahon ng kapaskuhan.

Samantalang noong December ay 64 lang ang kabuuang bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan at 211 naman noong November.

Ang Quezon ay mayroon lang na siyam na active cases noong December 22 nang nakaraang taon.

Mahigpit namang ipinatutupad ng kapulisan ang mga regulasyong itinatakda ng Inter-Agency Task Force laban sa COVID-19.

Sa report ng pulisya noong February 11, nasa 1,344 katao ang nasakote sa iba’t ibang panig ng lalawigan sa paglabag sa mga lokal na ordinansa at COVID-19 health and safety protocols.

Ang mga nahuli ay inisyuhan ng tiket, winarningan, nagsagawa ng community service at pinagbayad ng multang salapi sa naging paglabag sa curfew hours, hindi pagsusuot o maling pagsusuot ng face mask at hindi pagsunod na utos na pisikal na distansya

“Patuloy naming mahigpit na ipatutupad ang kampanya laban sa mga COVID-19 protocols violators upang maging ligtas ang buong lalawigan,” ang pahayag ni Col. Joel Villanueva, Quezon police chief.

Sa 41 lokalidad sa buong lalawigan, 10 bayan ang walang aktibong kaso ng COVID-19 batay sa pinakahuling ulat ng IPHO.