Sen. Nancy, dating VP Binay, bumisita sa Batangas

Senator Nancy Binay bumisita sa DREAM Zone
Senator Nancy Binay bumisita sa DREAM Zone (photo by Capito PIO)

Nagtungo sa Batangas Capitol sa Lungsod ng Batangas si Senator Nancy Binay upang personal na bisitahin ang tuloy-tuloy na isinasagawang pagbabakuna sa DREAM Zone, Capitol Compound noong ika-8 ng Pebrero 2022.


Matatandaang nabigyan ang Lalawigan ng Batangas ng 13,000 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa Makati City Government, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Abby Binay, noong ika-26 ng Enero. Naging kinatawan ni Gov. DoDo Mandanas si Vice Governor Mark Leviste sa idinaos na turn-over ceremony, kung saan ang bise gobernador ang tumanggap ng mga naturang bakuna at naghatid sa Provincial Health Office para naman sa maaayos na distribusyon sa mga Rural Health Units ng probinsya.

Matapos ang isinagawang pagbisita ni Senator Binay, nagtungo naman ito sa bagong tayong gusali ng Liga ng mga Barangay o Batangas Association of Barangay Captains (ABC), na matatagpuan din sa loob ng Capitol Compound. Dito ay nakasama na niya si dating Vice President at Senatorial Candidate Jojo Binay, Board Member Wilfredo Maliksi, na tumatayong pangulo ng Batangas at Region IV-A Liga ng mga Barangay (LMB), at ilang mga municipal presidents ng ABC.

Naging mainit ang pagtanggap ni Board Member Maliksi sa dalawang Binay at malaki ang pasasalamat niya sa pagbibigay ng kabahaging pondo para maisakatuparan ang pagpapatayo ng gusali.
Samantala, nagkaroon din ng pagkakataon si Sen. Binay para bisitahin ang ilang mga pasilidad na binigyang-pondo ng kaniyang tanggapan, kabilang ang evacuation center sa Batangas City at ang ngayon ay ginagawa pang health facility sa bayan ng Bauan, Batangas, kung saan malugod silang tinanggap ni Dr. Oscar Bejasa, na kinatawan ng Provincial Health Office. (Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Junjun de Chavez)