2022 Circus (Saan tayo patungo?)

by Sonny T. Mallari

Isang malaking karangalan para sa peryodistang promdi (Yes, ito ang bansag ko sa aking sarili noon pa. Natripan lang) ang muling maimbitahan na maging bahagi ng Weekly Frontpage na ngayon ay lilikha ng pangalan sa komunidad ng online-based news media. Muli, dahil minsan ay naging parte na ako ng matagumpay na diaryong ito sa nakalipas na panahon. Ngunit dahil sa samut-saring kadahilanan, huminto muna ako sa pagsusulat ng Kape at Brandy kolum gayundin sa pagsusumite ng mga balita upang partikular kong bigyang pokus ang trabaho sa Philippine Daily Inquirer bilang senior correspondent sa Southern Tagalog region.
Now, I’m back again!

##########

2022. Ito ang taon sa muling pagbabalik ng circus sa ating bansa. At kamakailan lang, nitong February 8 ay nagsimula na ang opisyal na 90 araw na kampanya ng mga payaso (Hindi naman lahat. May mga seryoso rin), este, mga pulitiko pala sa antas na nasyunal hanggang May 7. Mga kandidatong presidente, bise presidente, senador at partylist representatives. Sa darating na March 25 hanggang May 7, raratsada naman ang mga lokal nilang bersyon – kongresista, gobernador, bise gobernador, bokales, mayor, vice mayor at mga konsehales – para makabola rin ng mga botante na maghahalal sa kanila sa tinatarget na pusisyon.

Sa mga kandidato sa mataas na pusisyon, gaya ng dati ay sampu-sampera ang bawat bitaw nila ng magagandang pangako sa buong panahon ng kampanyahan na ganito ang mga tinutumbok: iaahon ang sambayanang Pilipino sa kahirapan, sasagana sa pagkain at wala ng magugutom, magkakaroon ng trabaho ang mga walang kayod, magkakabahay ang mga walang bahay, magkakaroon na ng pagkakapantay-pantay sa oportunidad ang mga mamamayan; wawakasan ang graft and corruption sa gubyerno at mawawala na ang mga manderekwat; mananatili na ang kapayapaan at kaayusan sa paligid dahil tutugusin ang mga kriminal; at marami pang mga etse-buretseng kaek-ekan makaakit lang ng boto sa Mayo 9.

##########

Ang masaklap nito – munting totoy pa ang peryodistang promdi noong panahon ni Garcia, Macapagal (Nakupo! Nabisto ang edad ko) ay nakikinig ko na ang ganitong mga dakdak tuwing panahon ng eleksyon. Gasgas ang mga pangako nila sa radio at peryodiko noon na kuhanan ng mga balita at opinyon dahil bihira pa ang TV at hindi pa ipinapanganak si Mark Zuckerberg, ang gumawa ng Facebook.
Ngunit ano ang nangyari? Mahigit anim na dekada na ako sa mundo pero sa halip na tumino at maging maayos ang buhay ni Juan de la Cruz sa sandamakmak nilang pangako, lalong nababaon sa kahirapan ang maraming Pilipino at hindi na makaalpas ang Pilipinas sa listahan ng mga mahihirap na bansa.

Now, eleksyon na naman. Muli na namang umuulan ng langit at mga pangakong glorya. May dalawa tayong puwedeng gawin – muling pumalakpak sa circus ng mga payaso o wakasan ang ritwal ng lokohan at utuan.

##########

Madali ang una. Manood ka lang, sumahod sa pera at anumang grasya, huwag tanungin kung sino ba ang nagbigay at bakit ka sinusuhulan, iboto ang sikat kesehodang walang alam sa pinapanang pusisyon at piliin ang llamado para hindi masayang ang boto dahil itinuturing na sugal ang halalan. Sa madaling sabi – dating gawi at dating praktika. Hindi na pag-iisipan kung sino ang pagtitiwalaan ng boto. Balewala kung sino man ang manalo. Dedma na lang. Ang katwiran ng marami – “Wala ka namang mapipiling matino. Magnanakaw lahat ang mga yan!”
Aray! Masakit mang aminin ay may basehan ang nakapanlulumong katwiran. Iisa lang ang solusyong katapat – huwag iboto ang sinumang may bahid ng dekwatan.

Ngayon, nasa pangalawa ang hamon kung gusto natin na minsan pang magtangka na baguhin ang direksyon ng ating bansa. Yun nga lang, medyo mahirap itong gawin dahil malalim na ang latay sa lipunan ng kinagisnang praktika tuwing halalan.

Sa pagka-adik ng mga Pinoy sa eleksyon, ngayon pa lang ay marami na sa atin ang sarado na ang kukute kung sino ang ibobotong Presidente. Kaya kahit araw-araw pang magkaroon ng presidential interviews at magsalpukan sa debate ay hindi na magbabago ang pasya. Maliban na lang kung may matatanggap na pansariling pabor o pera ang botante mula sa ibang kandidato.

Pero sana, mali ako. Sana, patuloy pa rin nating pag-aralan ang kabuluhan at kawalang kabuluhan ng bawat aspirante. Huwag tayong humanga sa boladas na mga pangako. Huwag tayong magpadala sa agos ng mga surveys. Huwag tayong tumingin sa kasikatan ng pulitiko. Huwag nating gawing basehan ang pagigiging llamado ng kandidato at ituring na sugal ang eleksyon. Huwag tayong magpalinlang sa mga huwad na aspirante na ang tanging hangad lang ay magtampisaw sa kapangyarihan at magnakaw sa kaban ng gubyerno. Sana, iboto natin ang kandidato dahil naniniwala tayo sa kanyang matapat na hangaring makapaglingkod sa taong bayan.
Sa araw ng halalan, ipagkatiwala natin ang ating sagradong boto sa tunay na karapat-dapat na mamuno sa sambayanang Pilipino. May halos tatlong buwan pa tayo para magsuri para sa ating pagpapasya. Huwag nating sayangin ang isa pang pagkakataon para sa susunod na henerasyon.

“Lord, tulungan po ninyo ang sambayanang Pilipino sa gagawing pagpili sa susunod na pangulo at iba pang lider ng aming bansa. AMEN.”