STORE OWNER BINARIL SA TINDAHAN

Ylou Dagos

Patay ang isang babaeng may-ari ng isang sari-sari store matapos na ito ay barilin ng hindi nakilalang gunman sa loob mismo ng kanyang tindahan sa Antipolo City Linggo ng gabi.

Kinilala ng Antipolo City police ang biktima na si Cynthia Benosa, residente ng PPurok Sumulong, Barangay dela Paz.

Batay sa report, bandang alas 10:20 ng gabi, nasa loob ng kanyang tindahan ang biktima nang lumapit ang suspek na nagkunwaring customer.

Dalawang beses nitong binaril ang biktima na agad ikinamatay nito.

Mabilis ding tumakas ang suspek na sumakay sa isang naghihintay na kulay pulang  motorsiklo na minamaneho ng kasabwat nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon para malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod ng krimen.