Byahe ng PNR sa rutang San Pablo-Lucena biglang itinigil

Muli na namang naging parang disyerto ang PNR station sa Lucena City sa biglang pagpapahinto ng byahe ng train pagkalipas na simulan ito noong Feb. 14 (Sonny T. Mallari)
Muli na namang naging parang disyerto ang PNR station sa Lucena City sa biglang pagpapahinto ng byahe ng train pagkalipas na simulan ito noong Feb. 14 (Sonny T. Mallari)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Ang bagong simulang operasyon ng train sa rutang San Pablo City-Lucena City ay biglang itinigil sa hindi pa malamang kadahilanan.

“Nadismaya ang mga pasaherong naghihintay ng train kahapon (Feb. 15) ng umaga nang malaman na itinigil ang biyahe,” ang sabi ng isang manggagawa sa PNR na hindi na nagpakilala sa panayam ng WF umaga ng Miyerkules.

Ayon sa taga-PNR, muling magbabalik ang biyahe sa March 10.

Kinumpirma naman ni Engr. Russel Pagkaliwangan, PNR engineering Lucena division manager, ang nasabing impormasyon.
Ngunit hindi niya sinabi ang dahilan sa biglang paghinto ng biyahe.

“Hindi ako awtorisadong magpaliwanag,” ang wika ni Pagkaliwangan sa phone interview.

Ibinigay ni Pagkaliwangan ang mobile phone number ni Atty. Ces Lauta, PNR assistant general manager, para sa pagpapaliwanag sa dahilan.
Ngunit sa kabila ng ilang pagtawag at text message ay hindi tumutugon si Lauta.

Pinasinayaan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang unang byahe ng train simula Lucena hanggang San Pablo noong Feb. 14.
At kinabukasan, ayon sa importmante sa PNR, ay nakapagbiyahe pa ng tig-isa sa bawat ruta bago ito ipinahinto dahil sa order mula sa PNR opis sa Maynila.

“Komportable ang byahe. Okey lang ang takbo, hindi mabagal, hindi mabilis. Mura pa ang pasahe,” ang pahayag ni Lito Montoya, taga Lucena at isa sa mga unang byahero ng train.

Ang pasahe sa train – San Pablo-Lucena – ay P50. Mas mababa ito kumpara sa pasaheng mahigit P130 sa bus at jeepneys na bumibiyahe nasabing ruta.
Ang San Pablo-Lucena trip ay apat na beses sa bawat araw.

Ang byahe mula Lucena ay 5 a.m.; 9 a.m.; 1:30 p.m. at 5:30 p.m., samantalang ang alis naman sa San Pablo ay 7 a.m.; 11 a.m.; 3:30 p.m. at 7:30 p.m.

Ang byahe na tatagal ng 1 oras at kalahati at humihinto sa Sariaya, Lutucan, Candelaria at Tiaong train stations.

Itinigil ng PNR ang rutang San Pablo-Lucena noong October 2013 dahil sa nasirang bahagi ng riles.