PAGTITINDA NG GAMOT SA SARI-SARI STORE, IPAGBABAWAL

Hinihiling ng FDA na ipagbawal ng mga lokal na pamahalaan ang pagtitinda ng gamot sa mga sari-sari store
Hinihiling ng FDA na ipagbawal ng mga lokal na pamahalaan ang pagtitinda ng gamot sa mga sari-sari store

Hiniling ng Food and Drug Administration sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na magpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga sari-sari store na magtinda ng gamot.

Ayon kay FDA officer in charge director general Oscar Gutierrez na nagbigay ng pahayag sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, mapanganib umano ang hindi nababantayang pagbebenta ng gamot ng mga maliliit na tindahan dahil maaari itong mahaluan ng pekeng gamot.

Iniulat din ni Gutierrez na mahigit 180 sari-sari stores ang nadiskubreng nagtitinda ng mga gamot, kabilang ang mga ginagamit panlaban sa COVID-19. Karamihan umano ng mga naturang tindahan ay nasa National Capital Region, Region IV-A at Region V, bagama’t wala namang nahuling nagtitinda ng pekeng gamot.

Bilang tugon, sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano na mag-issyu sila ng memorandum circular sa mga LGU para matigil ito.