Abogadong kandidato sa pagka-konsehal, patay sa pamamaril sa Batangas

Si Atty. Manito na tumatakbong konsehal sa Sto. Tomas City, Batangas (photo from Facebook)
Si Atty. Manito na tumatakbong konsehal sa Sto. Tomas City, Batangas (photo from Facebook)

Jaimee Mauricio

Sto. Tomas City, Batangas –Hindi na umabot pa ng buhay ang isang abogado na kandidato sa pagka-konsehal matapos na pagbabarilin sa loob ng opisina nito sa kahabaan ng Gov. Malvar Avenue, Brgy Pob 1, Sto. Tomas, Batangas, kaninang mag-aalas onse ng tanghali.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima na kinilalang si Atty. Reginald Michael Manito y Cachero, 42-anyos at residente sa lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng dalawang hindi nakilalang mga salarin ang opisina ni Atty. Manito.

Kasama ng biktima ang kanyang babaeng secretarya nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek gamit ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang direksyon.

Si Atty. Manito ay nabatid na kandidato sa pagka-konsehal sa nasabing lungsod sa tiket ni kasalukuyang Vice Mayor Armenius Silva na tumatakbo sa pagka-Mayor sa partidong Nacionalista para sa halalan 2022.

Palaisipan pa rin ang motibo sa naturang insidente.