COVID CASES SA LIPA, BUMABA NG 82 PORSYENTO SA NAKALIPAS NA LINGGO

Tuloy tuloy ang bakunahan sa lungsod ng Lipa, isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang kaso ng COVID 19. (Marlon Luistro)
Tuloy tuloy ang bakunahan sa lungsod ng Lipa, isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang kaso ng COVID 19. (Marlon Luistro)

Marlon Luistro

Patuloy pa rin ang pagbaba ng bilang ng mga tinamaan ng COVID sa Lipa City, Batangas ngayong buwan ng Pebrero.

Sa ulat ni Mayor Eric Africa kahapon, 10 bagong kaso ang nadagdag sa bilang ng mga tinamaan ng COVID habang 52 namang iba pa ang gumaling.

Kayat mayroon na lamang 89 active cases sa lungsod na mababa ng 82 porsyento kumpara sa 512 active cases noong ika-10 ng Pebrero.

Suma total ay nasa 12,283 na ang kabuuang bilang ng tinamaan ng virus sa lungsod simula nang magkapandemya.

Nasa 532 ang nasawi habang 11, 662 naman ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID.

Pinakamaraming aktibong kaso sa Barangay Pinagtong ulan na may pito, kasunod ang Tambo, Dagatan at Marawoy na may anim habang kapwa pumangatlo naman ang Cumba at Barangay 7.

Nangyari ang pagbaba ng mga kaso sa lungsod ng Lipa kasabay ng anunsyo mula sa OCTA research na nagsabing low risk na sa COVID19 ang rehiyong Calabarzon na kinabibilangan ng Batangas kung saan bumaba na sa 10 porsyento at higit pa ang naitalang positivity rate mula February 16. Ayon sa OCTA nasa low risk na ang Cavite, Laguna at Quezon habang ang Batangas, na may 10 percent positivity rate at kasalukuyang nasa moderate risk ay inaasahang maibababa sa low risk sa mga susunod na araw.