DATING OFW NAG-AMOK, NAPATAY SA BATANGAS

Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation ng Batangas sa bahay ng nag-amok na si Simeon Rosales sa Barangay Hilerang Kawayan, San Pascual,Batangas (photos by Jaimee Mauricio)
Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation ng Batangas sa bahay ng nag-amok na si Simeon Rosales sa Barangay Hilerang Kawayan, San Pascual,Batangas (photos by Jaimee Mauricio)

Jaimee Mauricio

San Pascual, Batangas -Napatay ng pulisya ang isang dating Overseas Filipino Worker matapos na mag-amok at makapatay sa Brgy Resplamdor, San Pascual, Batangas Huwebes ng umaga. 

Kinilala ni Colonel Glicerio Cansilao, Batangas Police Director ang suspek na si Simeon Rosales. 

Sa panayam kay Col Cansilao, nabatid na bago pa man nag-amok ang lalaki ay una na nitong nabaril ang pinsan nitong si Mario Baculi na binawian din ng buhay bandang alas dyes ng umaga.

Matapos ang pamamaril ng suspek ay tumakbo na ito sa kanyang tahanan at doon na nagtago at namamaril kung sinuman ang magtatangkang lumapit sa kanya.

Sinubukan pa makipag-negosasyon ng kapulisan ngunit sinasabing sarado na ang isip nito sa pakikipag-usap.

Nabatid pa rin na hindi na nadatnan ng suspek ang kanyang pamilya sa bahay ng siya ay magtago at mag-amok dito.

Kaugnay nito nilinaw din ng pulisya na walang hostage drama na nangyari sa lugar.

Samantala, matapos ang walong oras, nagpasya nang pasukin nang mga awtoridad ang bahay ni Rosales, nanlaban ito hanggang sa mapatay.

Si Rosales ay dating OFW, nagkaroon ng maayos na buhay ngunit sinasabing nalulong sa casino at nagkaroon ng depresyon na itinuturong dahilan ng pag-aamok nito.