NEGOSYANTE BINARIL MATAPOS DUMALO NG COURT HEARING SA BATANGAS

Arnell Ozaeta

Batangas – Sugatan ang isang 51-anyos na negosyante nang barilin ng di-pa kilalang gunman matapos dumalo ng court hearing sa bayan ng Lian Miyerkules ng hapon. 

Kinilala ang biktimang si Dennis Ilagan, residente ng Barangay San Diego, Lian, Batangas

Ayon sa report, kausap lang ni Ilagan ang kanyang abogado sa gilid ng Lian Municipal Trial Court nang lapitan ito ng gunman at barilin bandang ala-una y media. 

Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang biktima mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril. 

Mabilis namang naisugod sa Apacible Memorial District Hospital, Nasugbu, Batangas ang biktima at inilipat sa Western Medical Center sa Balayan, Batangas na kung saan kasalukuyang nagpapagaling. 

Inaalam pa ng mga pulis kung sino ang may ari ng kulay puting Honda na umanoy ginamit na get away car ng suspek. 

Tinitignan naman ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang pamamaril sa kinakaharap na kaso ni Ilagan na land dispute. 

Matatandaang nakaligtas na rin sa isang pamamaril si Ilagan noong January 3, 2021 na may kaugnayan din sa land dispute.