PROGRAMA PARA SA MGA “RECOVERING PERSONS WHO USED DRUGS” AARANGKADA SA TANAUAN

Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng Tanauan City LGU at Department of Social Welfare and Development para sa implementasyon ng Yakap Bayan program sa lungsod. (Photo by Jun Mojares)
Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng Tanauan City LGU at Department of Social Welfare and Development para sa implementasyon ng Yakap Bayan program sa lungsod. (Photo by Jun Mojares)

Pormal ng nalagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Field Office IV-A hinggil sa implementasyon ng Yakap Bayan Program noong, Pebrero 15, 2022.

Ang Yakap Bayan Program ay naglalayong tulungan ang Recovering Persons Who Used Drugs (RPWUDs) sa kanilang paghakbang tungo sa pagbabago-mula sa pagsuko, sa pagpapagamot o rehabilitasyon, hanggang sa “aftercare” at sa “social reintegration” sa kanilang mga pamilya at komunidad. Ito ay sa pamamagitan ng paglalaan ng ng Pamahalaang Lokal, partikular ang City Social Welfare and Development (CSWD) ng pondo para sa pagbibigay ng “spiritual guidance”, “psychosocial support”, skills training at livelihood programs.

Sa kanyang pahayag, binigyang papuri ni DSWD IV-A Director Marcelo Nicomedes Castillo ang mga magagandang programa ng lokal na pamahalaan para sa mga RPWUDs, na piniling ihinto ang masamang gawain at maghangad ng pagbabago para sa kanilang buhay at pamilya.

Binigyang diin naman ni Mayor Mary Angeline “Sweet” Halili ang pagtulong ng walang hinihintay na kapalit. Pinasalamatan at binigyang komendasyon ni Mayor Sweet ang iba’t ibang ahensya na naging bahagi ng programa, aniya “hindi madali ang magbigay ng pagkakataon sa iba ngunit kung likas sa puso ang pagtulong maipararatig ng maayos sa mga kapatid, kaibigan, mamayan na nawawalan ng pag-asa sa buhay.”

Saksi sa naturang palantuntunan sina Mr. Rizaldrin Epimaco B. Magpantay OIC- City Administrator, Kon. Benedicto C. Corona Chairperson-Committee of Peace and Order, Fire and Public Safety, Ariel Azurin Acting Chief of Police LTCOL, Maj. Rowena Robles Bureau of Fire and Protection (BFP), Jail Chief Inspector Marlon Barron ng BJMP, at mga department heads. (CIO Tanauan)