7 DRUG SUSPECTS TIMBOG SA RIZAL, CAVITE

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Pitong drug suspects ang dinakip ng pulisya at P223,000 na halaga ng shabu ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon sa bayan ng San Mateo, Rizal at Bacoor City sa lalawigan ng Cavite nitong Biyernes at Sabado.

Ayon sa ulat ng Police Regional Police 4, nabasyo sina Dennis Sumampong, Benito Laurel and Alving Libatique matapos nilang pagbentahan ng shabu ang isang ahente ng pulisya na nagkunwaring drug user sa Barangay Silangan sa San Mateo dakong 1:55 ng umaga ng Sabado.

Nahuli naman sa Baoor City sina Nolie Garate, Edzel Aguirre at Kim Pangan sa buy-bust operation sa Barangay San Nicolas 3 noong Biyernes bandang 5:50 ng hapon.

Nakuha sa tatlong suspek ang 20 gramo ng shabu na may presyong P136,000 sa kasalukuyang iskoran ng mga drug users.

Natiklo rin ng mga awtoridad si Zaldy Cañaveral sa Barangay Panapaan 3 ng nasabing siyudad dakong 8:30 ng gabi. Nakapkap sa kanya ang P13,600 na halaga ng shabu.

Naghihimas ngayon ng rehas na bakal ang mga suspek habang inihahanda ang kaso laban sa kanila sa paglabag ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.