VICE MAYOR CASTILLO NG LUCENA CITY, SUMAKABILANG-BUHAY

Lucena Vice Mayor Philip Castillo (photo from his Facebook page)
Lucena Vice Mayor Philip Castillo (photo from his Facebook page)

Allan Llaneta

LUCENA CITY – Sumakabilang-buhay na si Lucena Vice Mayor Philip Castillo, 67, ngayong Sabado, February 19, sa isang ospital sa Metro Manila.

May report ng kanyang pagkamatay sa kanyang opisyal na Facebook page bandang 7:30 ng umaga.

“It is with heavy heart and great sadness that our beloved Vice Mayor Philip Castillo passed away today at 3:13 a.m. at Saint Lukes Medical Center,” ang isinasaad sa Facebook post.

Walang ibang detalye sa report kung ano ang sanhi ng kamatayan ng vice mayor ng Lucena City.

Nagpaabot naman si Mayor Roderick Dondon Alcala ng kanyang matinding pakikidalamhati sa pamilya ni Castillo.

“Nalulungkot ako. Matalik siyang kaibigan ng aking pamilya. Dangan nga lamang at hindi na kami magkasama sa pulitika,” ani Alcala sa panayam ng Frontpage sa telepono.

Si Castillo ay matagal na nanungkulan bilang konsehal ng siyudad bago siya nahalal bilang pangalawang punong-lungsod noong 2019.

Sa darating na eleksyon sa Mayo ay kandidato si Castillo bilang city mayor katunggali ni Mark Alcala, anak ni Roderick, sa ilalim ng PDP-Laban.

Wala pang impormasyon mula sa pamilya o sa PDP-Laban kung sino ang ipapalit na kandidato resulta ng pagkamatay ni Castillo.