2 NANUTOK NG BARIL SA TRUCK DRIVER, HULI SA CHECKPOINT SA CAVITE

Cavite City

Marlon Luistro

Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaking itinurong nanutok ng baril sa isang drayber ng delivery truck sa may Manila-Cavite Road, Noveleta, Cavite matapos na maaresto ng pulis sa isang checkpoint sa Cavite City noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sila Robert Rhomel Paredes at Darwin Mores Flores.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-10:45 tinatahak lamang ng truck driver at biktimang si Nemencio Catulin ang nasabing daan nang mapansin niya ang convoy ng mga pribadong sasakyan sa likuran niya kayat nagswerve pakaliwa sa shoulder lane ng kalsada para magbigay-daan sa convoy.

Pero isa sa mga sasakyang kasama sa convoy ay nilapitan siya, binuksan ang bintana at tinutukan ng baril na tila ba naghahamon pa.

Dala ng takot ay humarurot ang truck driver na si Nemencio papunta sa PNP checkpoint sa Cavite City at humingi ng saklolo. Itinuro niya ang sasakyan kung saan lulan ang pasaherong umanoy nanutok sa kanya ng baril nang dumaan ang convoy at doon na naaresto ang mga suspek.

Boluntaryo namang isinuko ng dalawa ang kanilang armas na Taurus G3 caliber 9 mm na may magazine at kargang 12 bala at isa pang Taurus G3 caliber 9 mm na may magazine at loaded ng 14 na bala.

Nakakulong na ang mga suspek sa Cavite City Police Station at nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition in relation to Comelec Gun Ban.