LALAKI PATAY SA PAMAMARIL NG “DELIVERY BOY”

San Pablo Laguna

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaking nagpapahangin lamang sa labas ng kanilang bahay  matapos na ito ay pagbabrilin ng isang rider na nagkunwaring delivery boy sa San Pablo City, Laguna Sabado ng umaga.

Kinilala ng San Pablo police ang biktima na si Allan Andalis, residente ng Barangay Del Remedio.

Batay sa report, dakong alas 7:00 ng umaga, nakaupo ang biktima at isa pang kaibigan nito sa gutter ng kalsada sa loob ng ADB Subdivision.

Tumigil sa harap ng dalawa ang rider na inakalang nilang delivery courier dahil sa may dala itong maliit na box na tila galing sa isang online store.

Subalit bigla na lamang nagbunot ito ng baril at sunod-sunod na pinaputukan nito ang biktima.

Nagtamo ito ng mga tama ng bala sa katawan na agad na ikinasawi nito. 

Mabilis na tumakas ang hindi nakilalang suspek na nakasuot ng mask at helmet.

Inaalam pa ng mga pulis ang background ng biktima na pwedeng maging lead sa nangyaring krimen.

Kinikilala pa rin kung sino ang nag-iisang suspek.

Narekober naman sa crime scene ang 7 basyo ng kalibre .45 baril.