2 UMANOY ILLEGAL LOGGERS, TIMBOG SA LAGUNA

Ang di-lisensyadong chainsaw na ginamit ng 2 suspek sa pamumutol ng puno sa Bay, Laguna 
Ang mga trosong ilegal na pinutol sa Bay, Laguna (Photo by Bay Police Station)
Ang di-lisensyadong chainsaw na ginamit ng 2 suspek sa pamumutol ng puno sa Bay, Laguna

Ang mga trosong ilegal na pinutol sa Bay, Laguna (Photo by Bay Police Station)

Marlon Luistro

Bay, Laguna – Inaresto ng mga tauhan ng Bay Police ang dalawang lalaking di umanoy iligal na namumutol ng puno sa may Sitio Lalao, Barangay Tranca ng bayang ito noong Sabado. 

Kinilala ang mga nahuling suspek na sila Pablo Lasic, 64, karpintero at Erick Moceros, 47, chainsaw operator, kapwa residente ng Purok 2, Sitio Marian Village, Barangay Puypuy, Bay Laguna.

Inaresto ang suspek kasunod ng sumbong na natanggap ng Bay PNP mula sa isang concerned citizen na di umanoy may nagaganap na illegal logging sa nasabing lugar. 

Nang puntahan ng mga pulis ay doon nahuli sa aktong namumutol ng puno ang dalawang suspek gamit ang chainsaw.

Hinuli ang mga suspek matapos mabigong magpakita ng kaukulang permit para putulin ang naturang mga puno at napag-alamang hindi rin rehistrado ang ginamit na chainsaw.

Kinumpiska at dinala ng awtoridad ang mga natistis na puno at gamit na chainsaw gayundin ang mga nahuling suspek sa Bay Police Station.

Nakakulong na ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 (Forestry Reform Code of the Philippines) at Republic Act of 9175 (The Chainsaw Act 2002)