PROTEKSYON NG PAWIKAN SA TAYABAS BAY, SANGKOT NA RIN ANG MGA BATA

Kabilang ang ilang mga bata na sumaksi sa pagbabalik ng mga batang pawikan sa Tayabas Bay sa Sariaya, Quezon. (Photo mula kay Sherwin Rosales)
Kabilang ang ilang mga bata na sumaksi sa pagbabalik ng mga batang pawikan sa Tayabas Bay sa Sariaya, Quezon. (Photo mula kay Sherwin Rosales)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – May bagong hukbo ng mga mag-aalaga at magbibigay proteksyon sa mga pawikan sa lalawigan ng Quezon – ang mga bata.

Sa ilang beses na pagpapakawala kamakailan ng mga turtle hatchling o baby turtles sa baybayin ng Tayabas Bay sa bayan ng Sariaya, nang-imbita ang Tanggol Kalikasan (TK) ng mga bata upang saksihan ang nag-uunahan sa paggapang na mga munting pawikan patungo sa karagatan.

“Nag-iwan ng malaking epekto sa murang isipan nila ang kanilang nasaksihan. At marami pa silang natutunan tungkol sa pangangalaga at pagbibigay proteksyon sa mga pawikan,” ang paliwanag ni Jay Lim, TK project officer, sa panayam ng Frontpage.

Ayon pa kay Lim, may isang batang mag-aaral ang magsisimula ng isang programa sa kanilang eskuwelahan upang makatulong sa dagdag pang pagmumulat sa wastong pagtatapon ng basura para sa kaligtasan ng mga pawikan.

“Nalaman ng mga bata na ang basura, lalo na ang mga plastic, na basta na lang itinatapon at dadaloy sa mga kanal hanggang sa mga ilog ay bantang panganib sa mga pawikan kapag nakarating ang mga ito sa karagatan,” ani Lim.

Batay sa pananaliksik ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organization sa Australia, may 22 porsyento na ang basurang plastic ay malululon umano ng pawikan.

Ayon pa rin sa pananaliksik, tinatayang nasa 1,000 pawikan ang namamatay taon-taon dahil sa pagkakalason ng plastic na nalulon.

“Alagang pawikan”

Maraming mga residente sa tabing dagat ang nag-aalaga ng pawikan bilang libangan at pagkain ng karne at itlog ng mga ito.

“Subalit ngayon, marami na sa kanila, lalo’t higit ang mga bata, ang nangakong hindi na gagawing laruang hayop ang pawikan. 

Bagkus ay proproteksyunan pa ang mga ito upang malaya at ligtas na makapamuhay sa karagatan,” ang ulat pa ni Lim.

Itinuturing din ang mga pawikan na isang kaalyado ng mga mangingisda sa paghahanap-buhay.

Para sa mga mangingisda, ang presensya ng pawikan sa isang partikular na lugar sa karagatan ay isang palatandaan na maraming isdang mahuhuli.

Ang baybaying-dagat ng Sariaya ay nagsisilbing sanktuwaryo ng mga pawikan na dumadayo ng pangingitlog sa lugar mula October hanggang December.

Ang kanilang mga lugar-itlugan na nasa mga barangay ng Castañas, San Roque, Guisguis, Bignay 1 at Bignay 2 ay pinangangalagaan ng mga residente sa lugar.

Ang baybayin ng Tayabas Bay na nagmumula sa bayan ng San Juan sa lalawigan ng Batangas ay bumabaybay din sa mga bayan ng Sariaya, Pagbilao, Padre Burgos, Agdangan, Unisan, Pitogo, Macalelon, General Luna, Catanauan, Mulanay at San Francisco at Lucena City sa Quezon.

Nitong nakaraang buwan, inatasan ni Mulanay Mayor Jay Tito Ojeda II ang local environment and natural resources office na ayudahan ang mga residente sa tabing-dagat sa pangangalaga ng natuklasang itlugan ng pawikan sa Barangay Ibabang Yuni.

Ang pangangalaga ng mga pawikan sa nasabing barangay ay pinasimulan din ng mga batang residente.

Nag-uunahan ang mga batang pawikan sa paggapang patungo sa Tayabas Bay, ang kanilang likas na kapaligiran. (Photo mula kay Sherwin Rosales)
Nag-uunahan ang mga batang pawikan sa paggapang patungo sa Tayabas Bay, ang kanilang likas na kapaligiran. (Photo mula kay Sherwin Rosales)

“Banta ng baklad”

Batay sa record ni Sherwin Rosales, fishery technician municipal government’s agriculture office sa Sariaya, sinabi ni Lim na umabot lang sa 1,000 baby turtles ang napakawalan ngayong taong ito kumpara noong nakaraang taon na umabot sa mahigit na 2,000.

Ngunit sa kabila ng sumisiglang kamulatan para sa proteksyon ng mga pawikan, may nanatili pa ring isang malaking banta sa kanilang seguridad – ang mga “baklad” na nasa Tayabas Bay.

“Ang pananatili ng mga baklad ay patuloy na isang malaking banta sa mga pawikan. Dapat mawala ang mga ito,” ang paliwanag ni Lim.

Kamakailan ay muling may natagpuan na isang patay na Olive Ridley turtle sa karagatan na sakop ng bayan ng Agdangan. 

Ang pagkamatay ng pawikan, ayon kay Kim, ay pinaniniwalaang dahil sa naipit ito sa baklad.

Noong nakaraang lingo, isang grupo ng bantay dagat sa Agdangan ay sama-samang nagwasak sa 17 baklad sa karagatang sakop ng kanilang bayan bilang pagtugon sa reklamo ng mga mangingisda na naapektuhan ang pang araw-araw na huli.

“Wala kasing nakakalusot sa baklad. Kahit na maliit na isda pa lang ay nakukulong,” ang paliwanag ni Lim.

Nananawagan si Lim sa iba pang lokal na pamahalaan sa baybayin ng Tayabas Bay gayundin sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ipagbawal na ang operasyon ng mga baklad.

Batay sa Convention in International Trade on Endangered Species ay mahigpit na ipinagbabawal ang “commercial trade” ng mga pawikan, ang ilan sa kanila ay itinuturing na “vulnerable” at “endangered” ng International Union for Conservation of Nature.

Itinatakda rin ng Republic Act No. 9147 (Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act) ang pagbabawal sa panghuhuli, pagbebenta at pagpatay sa mga “endangered species” kabilang na ang mga pawikan sa karagatan.