KATAWAN NG BINATILYONG NALUNOD SA TAAL, NATAGPUAN NA

Matapos ang 3 araw na paghahanap, narekober na ng mga otoridad ang labi ng binatilyong nalunod sa lawa ng Taal (photo from Alitagtag PNP)
Matapos ang 3 araw na paghahanap, narekober na ng mga otoridad ang labi ng binatilyong nalunod sa lawa ng Taal (photo from Alitagtag PNP)

Marlon Luistro

Matapos ang halos tatlong araw na paghahanap ay nakita na ang labi ng 19-anyos na binatiyong magtutubo na si Arturo Panganiban na pinaniniwalaang nalunod at dalawang araw nang nawawala sa may Taal Lake sa Barangay Poblacion West, Alitagtag, Batangas.

Ayon kay P/Capt. Florencio Caisip, hepe ng Alitagtag Police, alas-9:45 Martes ng umaga nang matagpuan ang walang buhay na katawan ni Arturo sa may lawa ng nasabing barangay sa isinagawang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard Talisay at San Nicolas, MDRRMO Nasugbu, CDRRMO Batangas City at MDRRMO Alitagtag.

Dinala na sa Alexandria Funeral Service sa Alitagtag ang bangkay ng biktima.

Sa mga nakaraag araw ay nahirapan ang retrieval team sa paghahanap sa nawawalang bangkay lalot bukod sa malalim at lampas tao ay malaking hamon aniya sa mga divers ang madilim na tubig sa lawa, makakapal na mga damo at malakas na current sa lugar.

Alas-3:30 ng hapon noong Linggo nang mapaulat na nawawala si Panganiban habang naliligo sa lawa kasama ang kanyang mga kaibigan. Ayon sa pulisya, nakainom umano ang biktima at napag-alamang lumampas sa marker na itinakdang swimming area sa nasabing lawa.

Bago pa man nakita ay pinaniniwalaang patay na ang biktima lalo’t hindi na ito lumutang pa pagkalubog nang mga oras ding iyon.

Nauna na aniyang ipinagbawal ang paglangoy sa nasabing lugar matapos na itaas sa COVID Alert Level 3 ang Batangas pero muling pinayagang maligo ang publiko nang ibaba sa Alert Level 2 ang lalawigan noong ika-16 ng Pebrero.