
Marlon Luistro
Batangas – Patuloy pa rin ang search-and-retrieval operations ng mga awtoridad para mahanap ang labi ng 19-anyos na si Arturo Panganiban na pinaniniwalaang nalunod at dalawang araw nang nawawala sa may Taal Lake sa Barangay Poblacion West,Alitagtag, Batangas.
Ayon kay P/Capt. Florencio Caisip, hepe ng Alitagtag Police, alas-5 ng hapon noong Lunes nang pansamantalang ihinto ang operasyon para na rin sa kaligtasan ng retrieval team na binubuo ng volunteer divers at mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Nagresume ang paghahanap bandang alas-8:30 ng umaga Martes.
Bukod sa malalim ang lawa ay malaking hamon aniya sa mga divers ang madilim na tubig at malakas na current sa lugar bukod pa ang makakapal na damo sa ilalim ng lawa.
Alas-3:30 ng hapon noong Linggo nang mapaulat na nawawala si Panganiban habang naliligo sa lawa kasama ang kanyang mga kaibigan.
Ayon kay Caisip, nakainom umano ng alak ang biktima at napag-alamang lumampas sa marker na itinakdang swimming area sa nasabing lawa.
Pinaniniwalaang patay na ang biktima lalo’t hindi na ito lumutang pa pagkalubog nang mga oras ding iyon. Isang netizen pa aniya ang nakapag-video sa pangyayari.
Nauna na aniyang ipinagbawal ang paglangoy sa nasabing lugar matapos na itaas sa COVID Alert Level 3 ang Batangas pero muling pinayagang maligo ang publiko nang ibaba sa Alert Level 2 ang lalawigan noong ika-16 ng Pebrero.
Sa ngayon, ani Caisip, ay bawal na muling maligo sa nasabing lugar batay na rin sa utos ng lokal na pamahalaan ng Alitagtag.