OPERASYON NG “FAKE NEWS MAFIA” SA QUEZON, BINATIKOS NI CONG. SUAREZ

Hawak ni Quezon Rep. David "Jayjay" ang dokumento mula sa Ombudsman na nagpapatunay na wala siyang kinahakahap na anumang kasong administratibo o kriminal na naka-pending sa nasabing ahensya ng pamahalaan. (Kuha ni Ylou Dagos)
Hawak ni Quezon Rep. David “Jayjay” ang dokumento mula sa Ombudsman na nagpapatunay na wala siyang kinahakahap na anumang kasong administratibo o kriminal na naka-pending sa nasabing ahensya ng pamahalaan. (Kuha ni Ylou Dagos)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Matinding binatikos ni Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez (2nd district) ang operasyon ng tinawag niyang “fake news Mafia” na umano’y gumagawa at nagpapakalat ng mga maling balita na may layuning wasakin ang kanyang reputasyon at isabotahe ang kanyang kandidatura sa darating na eleksyon sa Mayo.

Sa isang press conference na ginanap sa provincial governor office kahapon, Feb. 21, isinalaysay ni Suarez mula sa kanyang binabasang pahayag na simula pa noong Nov. 4, 2020 ay may mga paulit-ulit na balita sa national tabloids at ikinakalat din sa mga social media partikular sa Facebook na siya umano ay may mga kaso sa Ombudsman na kinabibilangan ng “plunder, graft, malversation and failure to render accounts due to the reported misappropriation of agricultural supplies from 2015 to 2017”.

Nang sumunod na buwan ng Disyembre, isa namang katulad na balita tungkol sa umano’y kaso ng “plunder” na kinasangkutan niya ang muli na namang inilabas, ayon sa kongresista.

“Then, last March 17, 2021 news article came out that a case was filed against me before the Ombudsman, this time, for aiding and abetting terrorists,” dagdag pa ni Suarez.

Mula pa noong unang lumabas ang balita ng pagsasampa sa kanya ng kaso, sinabi ni Suarez na naghihintay na siya na makatanggap mula sa Ombudsman ng mga complaints, summons or pleadings na tinutukoy sa mga lumabas na news reports.

Subalit lumipas ang mahigit isang taon ay wala umanong dumating na ni-isang dokumento patungkol sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

“Dismayado”

“Ako ay biktima ng maruming politika na pakana ng isang fake news Mafia,” ang pagbibigay-diin ni Suarez.

Si Suarez ay nagsilbing gobernador ng Quezon simula noong 2010 hanggang 2019. Siya ay nahalal na kongresista ng 2nd district noong 2019.

Dismayado si Suarez sa nagaganap ngayon na gera-pulitikal sa lalawigan ng Quezon.

“Ganito na ba talaga ang klase ng pulitika dito sa lalawigan ng Quezon ngayon? “Kailangan ba talagang mag-imbento ng mga kaso laban sa mga katunggali upang manalo sa halalan?” ang nalulungkot niyang pahayag.

Bilang katibayan na imbento lang ang mga ibinalitang kaso laban sa kanya, ipinakita ng kongresista ang sertipikasyon mula sa Ombudsman na nagsasaad: “As of Dec. 10, 2021, David Catarina Suarez…has NO PENDING CRIMINAL AND ADMINISTRATIVE CASES with the Office of the Ombudsman”.

“Ano ang ibig sabihin nito? Itong clearance ng Ombudsman ay nagpapatunay na lahat ng bintang laban sa akin na ipinakalat sa social media ay pawang kasinungalingan at matatawag na fake news,” ang paliwanag niya.

Ngunit hindi pa nagtatapos ang operasyon ng tinawag niyang “fake news mafia” kahit may pahayag na ang Ombudsman, ayon kay Suarez.

“May lumabas na namang mga news articles kamakailan na diumano ay kinasuhan ako sa COMELEC. Kagaya nang mga nakaraang balita ng mga kaso ko daw sa Ombudsman, ipinakalat na naman ang mga balitang ito sa mga social media pages na may kaugnayan sa mga katunggali sa politika ng aking pamilya,” ang sinabi ni Suarez.

Dagdag pa niya: “Ako ay naniniwala na ito ay karugtong lamang ng serye ng paninirang puri laban sa akin ng mga kalaban namin sa politika”.

“Organisadong black operations”

Ayon pa kay Suarez, ang tinawag niyang “fake news mafia” ay isang “organisadong black operations” na naglalayong sirain ang aking pagkatao at gambalain ang aking trabaho bilang mambabatas at hadlangan ang patuloy kong pagbibigay ng tulong sa ating mga ka-distrito lalo na sa panahon ng pandemya”.

? Niliwanag ng kongresista na kadalasan ay hindi niya pinapansin ang mga paninira sa pulitika at bagkus ay patuloy lang siyang nakapokus sa kanyang trabaho bilang isang lingkod bayan.

“Ngunit ang kasalukuyang pambabato sa akin ng sunud-sunod na kasinungalingan na ipinakalat sa social media bilang fake news ay hindi ko na masikmura. Kaya ngayon ako nandito upang buong tapang na sasagutin ang paninirang puri laban sa akin,” ang kanyang pagbibigay-diin.

May mensahe siya sa mga gumagawa ng mga mapanlinglang na balita at utak ng “demolition job” laban sa kanya: “Dapat ninyong malaman na ang ginagawa niyong paninira sa akin ay nagpapatunay lamang na hindi kayo karapat-dapat na maging lingkod bayan dito sa atin sa Quezon province”.

Binigyang diin ni Suarez na pinag-aaralan na ng kanyang mga abogado ang lahat ng mga posibleng legal na hakbang upang kasuhan at panagutin sa batas ang lahat ng mga kasangkot sa “fake news Mafia”.

Humihingi siya ng tulong sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police at iba pang ahensya ng pamahalaan upang imbestigahan ang mga pagkalat ng mga pekeng balita.

“Leave the media”

Sinabi ni Undersecretary Joel Sy Egco, pinuno ngPresidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na nauunawaan niya ang damdamin ni Suarez laban sa mga malisyang mamamahayag.

Sinabi ni Egco na ang kanyang tanggapan ay nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon. 

Umapela si Egco sa mga nasa propesyon ng pamamahayag: “Stick to the code of ethics or leave the media.”

Sa kabuuan ng press conference ay hindi bumanggit si Suarez ng pangalan ng sinumang pulitiko sa lalawigan na pinaghihinalaan niyang nasa likod ng operasyon ng “fake news Mafia”.

Sa May 9 election ay muling makakatunggali ni Suarez (NP) si Proceso Alcala (LP), dating kongresista ng distrito at dati ring kalihim ng Department of Agriculture sa administrasyon ng namayapang Pangulong Benigno Aquino III.

Tinalo ni Suarez si Alcala noong 2019 congressional election.

Si Alcala ay kaalyado sa pulitika ni Quezon Rep. Angelina Tan (NPC, 4th District), ang lider ng oposisyon sa lalawigan na kandidatong gubernador laban kay Gov. Danilo Suarez, ama ni David