BULING-BULING SA LIPA, IPINAGBAWAL

Isang executive order ang pinirmahan ni Lipa City Mayor Eric Africa na nagbabawal sa pagsasagawa ng buling-buling tradition ngayong taon (photo from Bagong Lipa Movement facebook)
Isang executive order ang pinirmahan ni Lipa City Mayor Eric Africa na nagbabawal sa pagsasagawa ng buling-buling tradition ngayong taon (photo from Bagong Lipa Movement facebook)

Ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Lipa ang pagsasagawa ng buling-buling tradition ngayong taon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Ang buling-buling ay isinasagawa tuwing Kwaresma, Linggo bago sumapit ang Ash Wednesday, kung saan nagsasaboy ng tubig sa mga tao ang mga nakikilahok.

Sa February 27 dapat ang pagdiriwang ng tradisyon ngayong taon.

Ayon sa Executive Order No. 4 series of 2022 na pinirmahan ni Lipa Mayor Eric Africa noong February 21, bawal muna ang buling-buling ngayong taon sapagkat maaari itong magdulot ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na nasa alert level 2 pa hanggang February 28.

Inatasan nito ang City Public Order and Safety Office sa pakikipagugnayan sa pulisya na ipatupad ang nasabing utos.

Ang sinumang hindi sumunod ay maaaring maharap sa paglabag sa quarantine protocols at papatawan ng kaukulang parusa.