2 EX-DRUG CONVICTS TIMBOG NA NAMAN SA LUCENA CITY

frontpage online news - Ang ilang miyembro ng Lucena City police habang umuusal ng panalangin bago magsimula ng kanilang gawain na pangalagaan ang kaayusan at kapayapaan sa siyudad. (Litrato mula sa Lucena City PNP)
Ang ilang miyembro ng Lucena City police habang umuusal ng panalangin bago magsimula ng kanilang gawain na pangalagaan ang kaayusan at kapayapaan sa siyudad. (Litrato mula sa Lucena City PNP)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Arestado ng lokal na pulisya ang ang dalawang dating drug convicts at nakumpiska ang mahigit na P248,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa siyudad na ito noong Huwebes.

Sa report ni Lt. Colonel Reynaldo Reyes, Lucena police chief, natiklo ng mga operatiba sina Louie Ann Valenzuela, 28, at Ramil Keleste, 38, matapos nilang pagbilihan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na drug user sa Barangay Cotta dakong 5:26 ng umaga.

Nakuha sa mga suspek ang pitong plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 12.17 gramo.

Ang nasamsam na iligal na droga ay tinatayang nagkakahalaga ng P82,756 ayon sa Dangerous Drugs Board. Subalit sa bentahan ng mga drug users ay may presyo itong P248,268.

Ang dalawang suspek ay kinilala ng mga mga dating drug users sa lugar na nagbagong-buhay na, bilang prinsipal na nagbebenta ng shabu sa Cotta at mga karatig na lugar. 

Batay sa report, ang mga suspek ay parehong sentensyado sa kasong may kinalaman sa iligal na droga. Hindi niliwanag sa ulat ang dahilan kung bakit nakalaya ang mga ito at ngayon ay kabilang sa listahan ng mga drug pushers sa siyudad.

Balik kulungan na naman ang dalawa at muling haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.