BIG-TIME PUSHER ARESTADO SA ANTIPOLO CITY; P750K “KUSH” NAKUMPISKA

frontpage online news - Parang bale-wala lang na nagmamasid ang nakaposas na suspek habang naglilista ang imbestigador ng mga nakumpiskang ebidensya kabilang ang P750,000 halaga ng “kush”. (Photo from Rizal PPO)
Parang bale-wala lang na nagmamasid ang nakaposas na suspek habang naglilista ang imbestigador ng mga nakumpiskang ebidensya kabilang ang P750,000 halaga ng “kush”. (Photo from Rizal PPO)

Sonny T. Mallari

ANTIPOLO CITY – Isang pinaghihinalaang big-time supplier ng high—grade marijuana o “kush” ang nasakote ng pulisya sa buy-bust operation sa siyudad na ito noong Huwebes ng umaga.

Sa report ni Colonel Dominic Baccay, Rizal police director, kinilala niya ang natimbog na suspek na si Jotello Robleza, 24, residente ng Lores Country Homes sa Barangay San Roque, Antipolo City.

Dinakip si Robleza matapos niyang pagbentahan ang isang ahente ng pulisya na nagkunwaring adik na iiskor ng marijuana sa bilihan na naganap sa loob ng subdibisyon bandang alas singko ng umaga.

Umabot sa 44 na plastic sachets ng “kush” na tumitimbang ng 500 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P750,000 sa umiiral na presyo sa bentahan ang nakumpiska ng pulisya.

Batay sa report, si Robleza ang siya umanong pangunahing nagbebenta ng “kush” sa mga gumagamit nito sa nabanggit na barangay na kilalang lugar na talamak ang iskoran ng iligal na droga.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung saan nagmumula ang marijuana na itinutulak ng suspek.

Nakatangkal si Robleza sa city jail at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.