BIGTIME DRUG PUSHER TIKLO SA QUEZON BUY-BUST; P204K SHABU KUMPISKADO

frontpage online news - Tumatanggap ng last minute instructions ang mga pulis sa Pagbilao, Quezon bago sumabak sa gera laban sa iba’t ibang porma ng kriminalidad. (Litrato mula sa Pagbilao PNP)
Tumatanggap ng last minute instructions ang mga pulis sa Pagbilao, Quezon bago sumabak sa gera laban sa iba’t ibang porma ng kriminalidad. (Litrato mula sa Pagbilao PNP)

Sonny T. Mallari

Pagbilao, Quezon – Nasakote ng pulisya ang isang hinihinalang bigtime drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa bayang ito araw ng Sabado, Feb. 26.

Sa police report, dinakma ng mga operatiba mula sa drugs enforcement unit si Khristian Joy Medina, 28, residente ng Lucena City, matapos niya umanong pagbentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagkunwaring drug user sa bilihang naganap sa Barangay Talipan dakong 2:42 ng madaling-araw.

Nadiskubre sa suspek ang tatlong plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 10 gramo at nagkakahalaga ng P68,000 batay sa pagtataya ng Dangerous Drugs Board.

Ang nakumpiskang iligal na droga ay may kabuuang presyong P204,000 sa bentahan ng mga gumagamit ng shabu.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung saan nagmula ang shabu at kung sino ang supplier ni Medina.

Nakakulong ang suspek habang inihahanda ang kaso laban sa kanya sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.