PAGANDAHAN NG PALIGID AT PANANIM NG INTERIM HOMES NG TAAL EVACUEES, SINIMULAN NA

frontpage online news - Isa sa mga residente sa interim homes ng Taal evacuees sa Ibaan, Batangas (Batangas PIO)
Isa sa mga residente sa interim homes ng Taal evacuees sa Ibaan, Batangas (Batangas PIO)

Ibaan, Batangas- Muling sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna na Provincial Social Welfare and Development Office, ang ebalwasyon ng mga kalahok para sa ikalawang edisyon ng Pagandahan ng Paligid at mga Pananim para sa mga Taal Volcano evacuees na resident ng Ibaan interim homes.

Kasama ang katuwang na departamento na kinabibilangan ng Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Cooperative and Livelihood Enterprise Development Office at Provincial Government –Environment and Natural Resources Office, binisita ng mga kinatawan ng nasabing mga tanggapan ang mga kabahayan ng mga kalahok upang simulan ang preliminary judging at personal na makita at makapanayam ang mga ito ukol sa progreso ng kanilang mga pananim at kabuhayan.

Sinimulan noong taong 2020, ang proyektong ito ay naisakatuparan sa paglalayong mabigyan ng proyekto ang mga evacuees na may kinalaman sa food security at pagpapaganda ng kanilang kumunidad, at mabigyan ng mga alternatibong mga gawain at libangan ang mga ito, dulot ng pagkawala ng kanilang bahay at hanapbuhay sa paligid ng Lawa ng Taal.

Karaniwang ikinabubuhay ng mga nasa interim homes ang pag-aalaga at panghuhuli ng isda, ganun din sa industriya ng turismo, kung saan ilan sa mga ito ay nagsisilbing tour guides sa Taal Volcano Island.

Sa panayam na isinagawa ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng pamahalaang panlalawigan, iisa ang kanilang damdaming mahirap ang naging pagkawala ng kanilang naunana o nakagisnang hanapbuhay at malaking tulong ang pagtatanim ng mga gulay at iba pang mga halaman sa kanilang mental wellness, ganun din sa food security bilang pantustos sa kanilang araw-araw na pagkain.

Ang mga magsisipagwagi sa proyektong ito ay kikilalanin sa buwan ng Marso, at inaasahang personal na bibigyan ng kanilang insentibo at pagkilala ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Batangas Governor DoDo Mandanas. (Batangas PIO)