“FAITH TOURISM” INAASAHANG MAGPAPASIGLA NG TURISMO SA QUEZON

frontpage online news - Noong wala pang COVID-19 pandemic ay dumadagsa ang mga deboto sa “Kamay ni Hesus” shrine sa Lucban, Quezon upang makaranas na umakyat sa nakakapagod na 310-sementadong baytang para marating ang 50-piyeng kongretong imahe ng “Risen Christ” sa tuktok ng burol.  (Sonny T. Mallari)
Noong wala pang COVID-19 pandemic ay dumadagsa ang mga deboto sa “Kamay ni Hesus” shrine sa Lucban, Quezon upang makaranas na umakyat sa nakakapagod na 310-sementadong baytang para marating ang 50-piyeng kongretong imahe ng “Risen Christ” sa tuktok ng burol. (Sonny T. Mallari)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Sa pagsisimula ng kuwaresma at kasabay sa bumababang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, ang marami sa mga debotong Katoliko ay naghahanda na ng kanilang taunang pagdalaw sa mga simbahan at iba pang relihiyosong lugar na magpapalakas sa kanilang pananalampataya.

At sa lalawigan ng Quezon, pinaghahandaan na ng provincial tourism office ang pagdagsa ng mga deboto sa inilunsad na “faith tourism program” upang muling palakasin ang lokal na industriya ng turismo pagkalipas ng dalawang taon na mahigpit ang restriksyon sa ilalim ng pandemya.

“Faith tourism has its own niche market, similar sa ibang tourism products. It would promote local economic activities especially around the (religious) site,” ang pahayag ni Alberto Bay, provincial tourism officer, sa panayam ng Frontpage.

frontpage online news - Sa buong panahon ng COVID-19 pandemic ay nagmimistulang disyerto ang “Kamay ni Hesus” shrine sa Lucban, Quezon sa halos kawalan ng dumadalaw na deboto resulta ng mahigpit na alituntunin ng mga awtoridad upang sugpuin ang pagkalat ng coronavirus. (Sonny T. Mallari)
Sa buong panahon ng COVID-19 pandemic ay nagmimistulang disyerto ang “Kamay ni Hesus” shrine sa Lucban, Quezon sa halos kawalan ng dumadalaw na deboto resulta ng mahigpit na alituntunin ng mga awtoridad upang sugpuin ang pagkalat ng coronavirus. (Sonny T. Mallari)

Ang programa ng “faith tourism”, ayon kay Bay, ay pinasimulan ng Department of Tourism (DOT) – Region IV-A. Nagsagawa na ang DOT ng mga pag-aaral at inspeksyon sa mga target na relihiyosong lugar sa iba’t ibang panig ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Sa Quezon, target ng DOT ang “Luminous Cross of Grace Sanctuary” sa bayan ng Agdangan; “Mountain of Faith” sa Macalelon; “Divine Mercy Hermitage” sa General Luna; “Immaculate Concepcion parish church sa Catanauan; at “San Diego de Alcala Cathedral” sa Gumaca.

“The local government and the concerned parish authorities welcome the program,” ani Bay.
May koordinasyon na rin ang tanggapan ni Bay sa mga administrador ng popular na relihiyosong lugar sa lalawigan kagaya ng “Kamay ni Hesus” (KNH) shrine sa bayan ng Lucban at “Our Lady of Sorrows National Shrine” sa Dolores.
Pinipinal na ng DOT ang detalye ng mga alituntunin na ipapatupad sa ilalim ng programa na nakadepende sa alert level na itatakda ng mga awtoridad upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng coronavirus.

Ayon kay Fr. Joey Faller, ang pamosong “healing priest” at administrador ng KNH sa panaan ng Mount Banahaw, ang “faith tourism program” ay makapagpapasigla sa industriya ng turismo sa lalawigan.

“During this pandemic we hold on to our faith as our shield and protection as we combat against COVID-19 Virus. Faith tourism will deepen our knowledge about the Church and the fundamentals of our faith,” ang paliwanag ni Faller.

frontpage online news - Ang “Minor Basilica of St. Michael the Archangel” sa Tayabas City ay isang popular na destinasyon ng mga religious pilgrims tuwing Holy Week. Tampok sa simbahan ang mahabang “aisle” na may sukat na 103 metro. (Sonny T. Mallari)
Ang “Minor Basilica of St. Michael the Archangel” sa Tayabas City ay isang popular na destinasyon ng mga religious pilgrims tuwing Holy Week. Tampok sa simbahan ang mahabang “aisle” na may sukat na 103 metro. (Sonny T. Mallari)

Ang KNH shrine ay isa mga popular na destinasyon sa bansa ng mga debotong Katoliko na umaabot ng milyong katao tuwing Holy Week. Ngunit isinara ito noong nakaraang taon dahil sa mahigpit na alituntunin ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Ang lalawigan ng Quezon ay nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang katapusan ng Pebrero. Subalit dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 ay posibleng ibaba na ito sa Alert Level 1 pagpasok ng Marso.

Tuwing Huwebes Santo ay nagsasagawa ang mga deboto at religious pilgrims ng kanilang taunang “Visita Iglesia”. Ito ay isang tradisyon sa mga Katoliko na dumalaw sa pito hanggang 14 na simbahan upang magdasal ng “Stations of the Cross”.

Bantog din at paboritong puntahan ng mga deboto ang “Minor Basilica of St. Michael the Archangel” sa Tayabas City tuwing Holy Week.

Ang loob ng katedral sa Tayabas ay may habang 103 metro at kilala bilang isa sa may mahabang “church aisle” sa bansa. Ang simbahan ay idineklarang “national cultural treasure” noong 2001 ng National Museum.