PANANATILI SA ALERT LEVEL 2, IKINAGULAT NI GOVERNOR SUAREZ NG QUEZON

frontpage online news - Quezon Governor Danilo Suarez
Quezon Governor Danilo Suarez

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Nagulat si Quezon Governor Danilo Suarez nang hindi makabilang ang lalawigan sa mga lugar sa bansa na ibinaba na sa Alert Level 1 status sa ilalim ng COVID-19 pandemic.

“Ang inaasahan ko ay Alert Level 1 na tayo,” ang wika ni Suarez sa Frontpage sa phone interview umaga ng Lunes, Pebrero 28.

Magsasagawa aniya siya ng klaripikasyon sa mga awtoridad sa Maynila hinggil sa alert level status ng lalawigan.

“Aalamin ko kung bakit mananatili sa Alert Level 2 ang Quezon,” paliwanag niya.

Ayon sa gobernador, inaasahan niyang ibaba na sa Alert Level 1 status ang lalawigan mula sa kasalukuyang umiiral na Alert level 2 dahil sa dramatikong pagbaba ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa buong buwan ng Pebrero.

Ganunpaman, hinihiling ni Suarez sa mga mamamayan ng lalawigan na patuloy na sumunod sa ipinatutupad na safety protocols – wastong pagsusuot ng face mask at safe physical distancing – maging anuman ang alert level status ng Quezon.

“Kailangan nating sumunod sa regulasyong itinatakda ng IATF (Inter Agency Task Force) anuman ang ating status para sa kaligtasan ng buong lalawigan,” dagdag paliwanag ni Suarez.

Noong nakaraang Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na handa na ang buong Calabarzon region at Metro Manila sa gagawing pagpapairal ng Alert Level 1 status.

Maging ang OCTA Research Group ay nagpahayag rin na ang Quezon ay maituturing nang “very low risk for COVID-19”.

Subalit sa anunsyo ng IATF nitong Linggo, sinabi na ang Metro Manila kabilang na ang 38 iba pang lugar sa bansa ay ipapasailalim na sa Alert level 1 simula March 1 hanggang March 15.

Ngunit ang mga lalawigan lang ng Cavite at Laguna sa Calabarzon region ang makakasama sa “new normal” status. Ang Rizal, Batangas at Quezon ay mananatili sa Alert Level 2 status. 

Nitong Feb. 27, ang lalawigan ng Quezon ay mayroon na lang 56 active COVID-19 cases mula sa 1,805 noong Jan. 21.

Ang biglang pagbulusok ng bilang ay resulta ng mas maraming gumaling sa COVID-19 kumpara sa mga bagong nagkasakit sa buong buwan ng Pebrero.

Simula Pebrero 1 hanggang 27, ang Integrated Provincial Health Office ay nakapagtala lang ng 777 na bagong kaso COVID-19 cases kumpara sa 1,551 na gumaling sa sakit.

Sa 41 munisipalidad sa lalawigan ay 19 na lang ang may mga kaso ng COVID-19 at 22 bayan naman ang wala nang pasyente.

Batay sa ulat ni Dr. Tiong Eng Roland Tan, IPHO chief, noong Pebrero 20, sa target na 1,729,997 na mga residente sa lalawigan, tinatayang nasa 62 porsyento na sa kanila o 1,069,361 ay may dalawa ng turok ng COVID-19 vaccine at maituturing na silang “fully vaccinated”.

Nasa 111,254 naman sa kanila ay tumanggap na ng booster shot.

Ayon pa rin kay Tan, nasa 907,254 na residente ang nabigyan na ng unang turok ng bakuna.

Wala pang huling ulat kung ilan pa ang napadagdag sa bilang ng mga “fully vaccinated”.

Batay sa kundisyon ng IATF, kailangang fully vaccinated na ang 70 percent sa target na populasyon at 80 percent naman ng mga senior citizens bago mapasailalim ng Alert Level 1 ang alinmang lokalidad.