“PULITIKA”, POSIBLENG MOTIBO SA TANGKANG PAGPATAY SA QUEZON MAYOR, AYON SA QUEZON PNP CHIEF

Sonny T. Mallari

INFANTA, Quezon – Isa ang “pulitika” sa mga posibleng motibo sa tangkang pagpaslang kay Mayor Filipina Grace America ng bayang ito noong Linggo, ayon sa pinakamataas na opisyal ng pulis sa lalawigan.

“Isa ang pulitika sa mga subject ng aming isinasagawang validation sa mga possible motives,” ang pahayag ni Colonel Joel Villanueva, Quezon police chief, sa phone interview ng Frontpage araw ng Lunes.

Ngunit niliwanag ni Villanueva na pinag-aaralan din nila ang iba pang posibleng dahilan sa naganap na pamamaril kay America.

Sinabi pa ng opisyal ng pulisya na activated na rin ang kanilang “Election Related Incident Validation Committee” upang tiyakin kung ang naganap na pamamaril sa punong-bayan ay may kaugnayan nga ba sa pulitika o wala.

frontpage online news - Quezon PNP Provincial Director Col. Joel Villanueva
Quezon PNP Provincial Director Col. Joel Villanueva

Si America ang kandidato ng Nacionalista Party sa darating na halalan bilang re-eleksyonistang mayor para sa kanyang ikatlong termino. 

Bukod kay America, may dalawa pang ibang kandidato sa pagka-alkalde sa Infanta sa halalang isasagawa sa May 9.

Si Villanueva ay agad na sumugod sa Infanta upang pangunahan ang inisyal na imbestigasyon matapos na barilin si America.

Kinolekta aniya nila ang footages mula sa mga closed-circuit television (CCTV) cameras sa paligid ng pinangyarihan ng krimen upang makilala ang lalaking bumaril kay America.

Ngunit hindi optimisko si Villanueva sa anumang makukuhang materyales mula sa CCTV dahil kakaunti lang aniya ang mga nasabing gadgets sa lugar.

Nagsasagawa rin aniya ng mga interviews sa mga nakakakita sa pagbaril at sa mga malalapit na tao kay America para makakuha pa ng iba pang impormasyon.

Noong Linggo ng hapon ay binuo na rin ang Special Investigation Task Group (SITG) upang manguna sa imbestigasyon.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Police Brigadier General Antonio Yarra, director ng Police Regional Office IV-A: “We will leave no stone unturned to determine the possible motive of the shooting. 

Si America ay ay pinaulanan ng putok ng isang lalaki na may baril na kalibre 45 habang sakay ang alkalde sa sasakyan ng pamahalaan, Chevrolet Trailblazer sa Barangay Poblacion 1 bandang 11:15 ng umaga.

Ang biktima ay katatapos lang na umatend ng religious service sa katabing kapilya ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) kasama ang kanyang personal assistant at empleyado ng munisipyo na si Vergie Borreo at tsuper na si Alvin America nang ratratin siya ng putok.

Mabilis na tumakas ang lalaki pagkatapos ng pamamaril.

Tinamaan ang mayor sa kanang braso at ligtas naman ang dalawa niyang kasama na parehong walang tama.

Narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang dalawang slugs at anim na basyo ng bala.

Sa ulat ng pulisya, balak na todasin si America sa isinagawang pamamaril.

Si America ay inilipat sa isang ospital sa Metro Manila noong Linggo ng hapon para sa patuloy na pagpapagamot. Hindi binanggit sa police report kung saan ang ospital para sa kanyang seguridad.

Agad na umani ng kundenasyon ang tangkang pagpatay kay America.

Nagpahayag si Governor Danilo Suarez ng matinding kalungkutan at pagkabahala sa naganap na karahasan laban sa isang nanunungkulang mayor sa lalawigan.

“Ako ay lubhang nalulungkot at nababahala sa pangyayaring ito. Mariin nating kinukundena ang karahasan sa ating lalawigan, at sa pagbabanta sa buhay ng sinuman, maging opisyal ng pamahalaan o sibilyan,” ang sinabi Suarez sa public video message sa social media noong Linggo ng gabi.

Dagdag pa niya: “Walang lugar sa sibilisadong lipunan ang ganitong gawain at kasamaan”.

Sa unang pahayag ni Suarez matapos ang insidente, sinabi niya na “hindi dapat mamayani ang takot at karahasan sa lalawigan ngayong panahon ng eleksyon.”

Maging si Bishop Bernardino Cortez, ang pinuno ng Prelatura ng Infanta, ay kinundena rin ang tangkang pamamaslang.

“Kailanman ay hindi maaaring maging solusyon ang karahasan sa mga suliranin at usapin ng hindi pagkakaunanawaan bagkus magiging daan pa ito ng pagkakahati-hati ng mga tao. Ang Simbahan kahit kalian ay magiging isang propeta ng katarungan, katotohanan at katapatan,” ani Cortez sa kanyang pahayag.

frontpage online news - Bishop Bernardino Cortez
Bishop Bernardino Cortez

“Nawa ay magkaroon ng katarungan ang karumal dumal na pangyayaring ito,” ang dagdag pa niyang sinabi.

Humihiling siya na ipagdasal ng mga mamamayan ang kaligtasan ni America.