1 PATAY, 1 SUGATAN SA MAGKAHIWALAY NA BARILAN SA QUEZON

frontpage online news - Pagbilao Quezon Map

Sonny T. Mallari

PAGBILAO, Quezon – Isang construction worker ang napatay at isa pang obrero ang nasugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayang ito noong araw ng Linggo.

Sa report ng pulisya, nakaupo si Glenn Perdon, 43, sa harapan ng isang tindahan sa Barangay Talipan dakong alas nuwebe ng gabi hawak ang biniling bote ng beer.

Nang bigla na lang dumikit kay Perdon ang isang lalaki at binanatan siya ng tatlong sunod-sunod na putok mula sa hawak na baril na hindi malaman ang kalibre.

Naglakad lang sa pagtakas ang bumaril at iniwang patay ang kanyang biktima.

Nagsasagawa ng patuloy na imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang motibo sa pagpaslang at makikila ang salarin.

Samantala, iniulat din ng pulisya ang pagbaril naman ni Gilbert Borja sa kanyang kapatid na si Ronald habang nag-iinuman ang dalawa sa loob ng kanilang tahanan sa isang bahagi ng nasabi ring barangay bandang alas otso ng gabi.

Nagkaroon ng mainitang argumento ang magkapatid hanggang sa kumuha ng baril si Gilbert at pinutukan ang kanyang utol.

Agad namang nasunggaban at naagaw ng tatay ng magkapatid ang armas na hindi nakasaad sa report kung ano ang kalibre.

Mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ang sugatang si Ronald sa Quezon Medical Center Lucena City para malapatan ng lunas.

Hinahanting ngayon ng pulisya si Gilbert.