MINI SUPERMARKET SA LUCENA, SINALAKAY NG DAGA-DAGA GANG, P235K, NATANGAY

frontpage online news - Lucena City Map

Ylou Dagos

Tinatayang nasa halagang P235,000.00 na cash ang natangay ng mga hinihinalang miyembro ng daga-daga gang na sumalakay sa isang mini supermarket sa Lucena City.

Batay sa report ng Lucena City police, bandang alas 7:30 Lunes ng umaga nang madiskubre ng store manager at merchandizer ng South Emerald Store na nasa Tayabas-Lucena national road sa Brgy. Gulang-gulang ang nasabing insidente ng nakawan.

Ayon sa imbestigasyon at base sa kuha ng CCTV camera ng tindahan, dakong alas 2:23 ng madaling araw nang puwersahang makapasok ang mga suspek sa tindahan sa pamamagitan ng paggagawa ng tunnel papasok sa entrance.

Nang makapasok, tinungo ng mga ito ang vault na nasa kaliwang bahagi ng tindahan at nilimas ang lamang cash.

Tumakas din ang mga suspek bandang alas 3:10 ng madaling araw kungsaan muling lumusot a hukay papalabas.

Napag-alamang nagsarado ang tindahan noong alas 6:30 Linggo ng gabi at walang naiwang stay-in personnel at security guard sa establisyemento.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Lucena police at inaalam kung paano nakapaggawa ng tunnel ang mga suspek ng walang nakakapansin sa kabila ng ang lugar ay isang busy street corner.