NOTORYUS NA SHABU PUSHER DAKIP SA LUCENA BUY-BUST

frontpage online news - Lt. Colonel Reynaldo Reyes, Lucena police chief. (photo from Facebook)
Lt. Colonel Reynaldo Reyes, Lucena police chief. (photo from Facebook)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Isa umanong notoryus na drug pusher ang nasakote ng pulisya matapos na pagbentahan ng shabu ang isang undercover na parak sa lungsod na ito araw ng Martes.

Sa report ni Lt. Colonel Reynaldo Reyes, Lucena police chief, kinilala ang arestadong suspek na si Christopher Badiango, 47, kabilang sa listahan ng pulisya ng mga kilalang drug pushers sa buong lalawigan.

Si Badiango ay natimbog sa buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba sa Barangay Barra bandang 12:08 ng madaling araw ng Martes.

Nakuha sa suspek ang limang plastic sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P22,400 sa iskoran ng mga drug users.

Ang operasyon ng suspek ay itinuro sa pulisya ng mga dating drug users sa nasabing barangay.

Nakatangkal si Badiango sa city jail habang inihahanda ang kasong kriminal laban sa kanya sa ginawang pagbebenta ng iligal na droga.