3 PATAY , 1 SUGATAN SA PANANAKSAK SA SANTA ROSA CITY, LAGUNA

frontpage online news - PHOTO COURTESY OF BRGY. MACABLING/  LUIS ENGALLADO
PHOTO COURTESY OF BRGY. MACABLING/ LUIS ENGALLADO

Arnell Ozaeta

Patay ang dalawang babae matapos pagsasaksakin ng suspek bago ito nagpakamatay sa Sta Rosa City, Laguna Martes ng umaga.

Sugatan naman ang anim na buwang gulang na pamangkin ng isang babaeng biktima matapos madamay sa pananaksak.

Ayon sa imbestigasyon, sumugod ang suspek na si Ruben Goden sa apartment ng kanyang dating kinakasamang si Marissa Espinosa, 52 sa Piet Apartment, San Isidro Compound, Barangay Macabling bandang alas-Diyes ng umaga.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa saksakin ni Goden si Espinosa na agad nitong ikinasawi.

Nasaksak din ang manugang ni Espinosa na si Carol Mamaril matapos nitong iharang ang kanyang katawan nang saksakin ng suspek ang anim na buwang pamangkin.

Isinugod na sa isang ospital sa Batangas ang bata para doon gamutin.

Samantala, dead on arrival sa ospital si Mamaril na bagong panganak pa lamang.

Swerte namang hindi nadamay ang 2-buwang gulang na anak ni Mamaril na karga nito nang siya ay saksakin ng suspek.

Gayunman, namatay din ang suspek na si Goden matapos saksakin nya ang kanyang sarili.

Ayon kay PLTCOL. Paul Sabulao, hepe ng Sta Rosa City police, posibleng selos ang pinag-ugatan ng krimen.

Napag-alaman kay Emmanuel Monsale, Deputy ng Barangay Macabling na nagpa blotter na si Espinosa sa kanilang barangay matapos silang pagbantaan umano ng suspek na papatayin ang kanilang buong pamilya.