P13.8 M SHABU, NASABAT SA ISANG HABAL-HABAL SA BUY BUST SA CAVITE

frontpage online news - Mahigit 2 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang buy bust sa Cavite. (photo from Cavite PPO)
Mahigit 2 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang buy bust sa Cavite. (photo from Cavite PPO)

Ylou Dagos

Dumayo pa ang isang habal-habal na driver sa Cavite upang magdeliver ng mahigit P13 milyon halaga ng shabu na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa isang buy bust operation sa Bacoor City, Martes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Jay-r Fuenteveros y Banal, alias “Panget”, nasa wastong edad ng Hermanos Compound, Bicutan, Parañaque City

Sa ulat, dakong alas-12:00 ng hapon kahapon nang nagsagawa ng buy bust operation ng pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) IV-A Cavite PO, PDEA IS, PDEA RO-NCR, AFP, Cavite DEU at Bacoor City Police Station sa Pulong Mabilog St., Brgy Molino IV, Bacoor City, Cavite kung saan target ang suspek.

Ayon kay Asst Regional Director Billy Viray, PDEA IV-A, ang pagkakaaresto sa suspek ay bunsod sa tip ng kanilang confidential informant kung saan nagsagawa ng casing surveillance sa area na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Ayon sa suspek, hindi niya umano alam na droga ang laman ng dala niya sa kanyang habal-habal na idi-deliver sa isang tao sa Cavite at binayaran lamang siya ng P1,000 kapalit ng kanyang pagde-deliver.

Narekober sa suspek ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa tea bag na may street value na P13,800,000.

Kasong paglabag sa Sec 5 at 11, Article II ng RA 9165 ang kinakaharap ng suspek.