MANDANAS KUMBINSIDONG MAIPAPANALO ANG BBM UNITEAM SA BATANGAS

frontpage online news - Ang mga miyembro ng BBM-SARA UNITEAM kasama si Batangas Gov. Dodo Mandanas at ibang lokal na opisyal sa Balayan campaign rally. (photo from BBM Facebook)
Ang mga miyembro ng BBM-SARA UNITEAM kasama si Batangas Gov. Dodo Mandanas at ibang lokal na opisyal sa Balayan campaign rally. (photo from BBM Facebook)

Kumbinsido si Batangas Governor Dodo Mandanas na ang tambalang BBM-Sara ang kailangan ng bansa ngayon dahil sa kanilang panawagan ng pagkakaisa. Binigyang diin ito ng gobernador sa pagbisita ng Uniteam sa bayan ng Balayan para sa kanilang campaign rally kahapon.

Sa panayam sa media, inamin ni Mandanas na hindi pa naipapanalo ng lalawigan ng Batangas si Marcos noong mga nakaraang eleksyon.

Sa vice presidential race noong 2016, nakakuha si presidential aspirant Leni Robredo sa Batangas ng mahigit 500,000 boto samantalang 260,000 lamang ang nakuhang boto ni Marcos sa lalawigan.

Pero sabi ni Mandanas, iba umano ang laban ngayon.

“Yung mga nakaraang eleksyon kakaiba ang mga kondisyon, ngayon ang kailangan natin ay pamumuno na kapares ni BBM at ni Sara, for president at vice president. Kailangan lagi nating didinggin, ano ang kailangan natin ngayon at sa hinaharap,” sagot ng gobernador.

Kaya naman nagbigay ito ng garantiya na susuporta ang buong lalawigan sa BBM-Sara tandem sa paparating na eleksyon.

“Yes hindi lamang Balayan [ang susuporta], buong Batangas…dahil kaisa kami sa diwa at ipinaglalaban na kailangan na natin magkaisa. Ang Batangas kilala tayo na laging nangunguna sa pagpapataas ng dangal. Mawala na ang ating yaman, ‘wag lang ang ating yabang, ang ating dangal,” banggit nito.

Matatandaang noong umpisa ng kampanyahan, nauna nang nangako ng isang milyong boto si Senador Ralph Recto kay presidential aspirant Isko Moreno.

Sa huling tala ng COMELEC, mayroong 1.8 million registered voters ang lalawigan ng Batangas. Ito ang ikapitong lalawigan sa bansa na may pinakamaraming bilang ng mga botante.