QUEZON SOLON, DPWH OFFICIAL INASUNTO NG SERIOUS ILLEGAL DETENTION

frontpage online news - Si Arkie Yulde habang isinasampa ang kaso sa Makati Prosecutors Office
Si Arkie Yulde habang isinasampa ang kaso sa Makati Prosecutors Office

Ylou Dagos

Pormal na sinampahan ng kasong serious illegal detention ang isang babaeng miyembro ng Mababang Kapulungan at mister nitong mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Sa Makati Prosecutors Office inihain ni Arkie Yulde, konsehal sa bayan ng Lopez, Quezon, ang kaso laban kina Quezon Province Rep. Helen Tan at DPWH Regional Dir. Ronnel Tan. 

Sabit din sa kaso si Jaime Aquino, dating correspondent ng The Manila Times, dahil siya diumano ang ginamit ng mag-asawang Tan sa paninira kay Yulde. 

Nabatid na si Jestine Aquino, anak ni Jaime, ang testigo ni Yulde at ito ang nakakaalam ng lahat ng mga lakad ng kanyang ama. 

Iginiit ng nakakabatang Aquino na kilala niya ang mag-asawang Tan dahil ilang beses na kinausap ang mga ito ng kanyang ama sa La Union at Makati City. 

Alam aniya na ang kanyang ama ang nagbigay sa mag-asawang Tan ng mga pekeng dokumento na ginamit para makasuhan si Yulde ng rape at serious illegal detention. 

Dagdag pa ni Jestine, P3 milyon umano ang unang ibinayad sa kanyang ama ng mag-asawang Tan.

Matapos ang ilang buwan na pagkakakulong sa Rosales, Pangasinan, pinalaya na si Yulde matapos mapatunayan ng prosecutor na gawa-gawa lamang ang lahat ng mga testimoniya at ebidensiya na ginamit sa kanyang kaso.

Pero ayon kay Frumencio Pulgar, abogado ng mag-asawang Tan, sa isang panayam sa pahayagang Manila Times, ito ay paninira lamang sa kanyang kliyente. Maaaring maharap sa kasong libel ang anak ni Aquino at abogado ni Yulde sa pakikipagusap sa media na wala umanong basehan.