2 DATING SUNDALO ARESTADO SA COMELEC GUN BAN SA QUEZON

Allan Llaneta

Dalawang dating sundalo ang naaresto makaraang mahulihan ang mga ito ng mga baril sa Barangay Poblacion sa Buenavista Quezon.

Kinilala ni Police Captain Perfecto Pimentel ang mga nasakoteng dating sundalo na sina Jonathan Ayun- Ayun  at Danilo Camillon kapwa 53 anyos.

Ayon sa Buenavista Police, pasado alas otso ng umaga noong Linggo nang makatanggap sila ng tawag mula kay  dating Mayor Alexander Rivera kaugnay sa dalawang kahina-hinalang lalaki na nasa tagiliran ng simbahan sa lugar.

Kagyat umanong pinuntahan ng kapulisan ang dalawang suspek kung saan nakuha sa mga ito ang isang Glock at isang kalibre 45 baril.

Nakakulong na ngayon sa Buenavista Municipal Lock up jail ang mga suspek na nahaharap sa kasong Ilegal possession of fire arms at Omnibus election code.