2 PATAY MATAPOS MALUNOD SA CAVITE, ISA NAKALIGTAS

frontpage online news - Naic Cavite Map

Ylou Dagos

Dalawa ang namatay samantalang isa ang naospital matapos na ang mga ito ay malunod sa tabing dagat sa Naic, Cavite Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Chelzky Edara Regato, 31, taga Amadeo at Noel Sanding, 18, residente ng bayan ng Noveleta.

Naisalba naman ang ikatlong biktima na si Zyrahlyn Pagayon Edara, 16, taga Noveleta din, matapos maisugod agad ito sa ospital.

Batay sa report ng Naic police, nag-a-outing sa tabing dagat sa Brgy., Bucana Sasahan ang mga biktima kasama ang mga kaanak at kaibigan nang ang tatlo ay biglang tangayin ng malalaking alon habang nasa dalampasigan.

Nadala ng malakas na agos ang mga ito sa malalim na bahagi ng dagat. 

Agad namang sumaklolo ang mga kasama ng mga biktima at nasagip si Edara subalit tuluyang natangay sina Regato at Sanding. 

Bandang alas 6:00 na ng gabi nang matagpuan ng mga rescuers ang dalawa at agad isinugod sa ospital subalit parehong ideneklarang dead on arrival ang mga ito.