VOTE BUYING AT PANDEREKWAT

by Sonny T. Mallari

Kapag ang isang kandidato o kandidata sa inyong lugar ay palaging nakangiti, namumudmod ng pera at nagpapagawa ng proyekto mula sa sariling bulsa – hindi siya mabait na tao. Siya ay tusong pulitiko na namumuhunan o nangangapital na parang sugal.

Dahil kapag siya ang nananalo, ang una niyang gagawin sa kapangyarihan ay ang magnakaw sa kaban ng bayan para makabawi sa kanyang puhunan o ginastos noong panahon na binobola niya ang mga botante. Hindi tanga ang mga ito para gumastos ng kanilang sariling salapi kung walang tinatarget na kapalit. Ito natural na ikot ng mundo ng mga pulitikong Pinoy, mapuwera ang ilan na mabibilang lang sa daliri.

Kaya maging mapangmatyag na kapag may nagbibigay ng pera para iboto ang kandidato o kandidata o kaya naman ay nagyayabang na nagpagawa siya ng proyekto sa lugar kahit hindi naman niya nasasakupan…alam na ninyo ang dapat isipin. Isa itong porma ng vote buying. At ang kapalit – magnanakaw siya kapag nanalo sa halalan. 

Ganito ang eleksyon sa bansa ni Juan de la Cruz. Kaya huwag magpapatuso sa darating na halalan. Maging matalino tayo sa pagboto.

Meron din namang mga kandidato na namimigay din ng pera sa porma ng ayuda lalo na ngayong panahon ng pandemya. Pero ang salaping ipinamimigay ay nagmula sa pondo ng mga proyekto at programa ng gubyerno at hindi dinukot sa kanyang sariling bulsa.

Ngunit hindi ang ibig sabihin nito ay kuripot ang pulitiko o ayaw bumunot sa kanyang sariling bulsa para tumulong. Nagpapakita lang ito ng kanyang kasipagan at pagkamalikhain sa paghahanap ng paraan kung paano matutulungan ang kanyang mga kababayan sa panahon ng kagipitan bilang isang matapat na lingkod bayan.

At dahil mula sa estado ang perang ipinamumudmod, maling isipin na isa itong porma ng vote buying. Nararapat pa ngang saluduhan ang tauhan ng pamahalaan sa kanyang malawak na kaalaman sa kung paano niya magagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. At isa itong mahalagang basehan upang muli silang iboto.

###########

Dahil sa dumi ng pulitika sa bansa, walang maniwala sa ikinakalat ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na yung kandidato nila sa karera patungong Malakanyang ang nangunguna sa mga surveys. Hindi naman nila ibabandilyo ang surveys kung talo ang manok nila sa ranking. Lumalabas na parang hinihimas lang nila ang bayag ng bata nila sa harap ng publiko.

Dahil bakit naman sa tunay na nangyayari sa kampanyahan sa maraming lugar ay makikita sa mga litrato, video footages at drone shots na mas makapal ang tao sa campaign rallies ni Vice President Leni Robredo na kandidato rin sa pagkapangulo ng bansa sa darating na eleksyon? Kongkreto ang ebidensya na magpapatunay sa kapal ng tao. Mapapanood. Sabi nga, may resibo. Boluntaryong dumalo. Walang palatandaang hinakot ng mga trak, bus at binayaran para lang makita sa pagtitipon.

Pero siyempre, nagpupuputak ang mga alipores na pulitiko ng batang Marcos at gumagawa ng mga kung ano-anong alegasyon para pagdudahan ang katotohanan sa mga malalaking campaign events para kay VP Leni. Inaasahan na ito sa kanila. Minsan ay talagang mahirap tanggapin ang masakit na katotohan.

Now, balik tayo sa number one raw sa mga surveys? Binayaran ba ang mga “kalye surveys” para palabasin at ikundisyon ang mentalidad ng mga nanonood lang sa bakod na si Bongbong nga ang paborito sa darating na halalan? Hinawsyaw? Dinaya ang kunyari ay surveys? Kung ganito nga, inuuto lang nila ang kanilang sarili.

Anyway, ang tunay na survey ay malalaman sa May 9 election. Pero kung ang pagbabasehan ay ang mga kongretong resibo sa mga nagaganap na mga political rallies, llamado si VP Leni sa mga tumatakbong presidente.

##########

Nakakalungkot ang patuloy na pamamayagpag ng mga tiwaling mamamahayag ngayong panahon ng eleksyon. Sa halip na maging daluyan ang aming hanay ng mga makabuluhang impormasyon para makatulong sa matalinong pagpapasya ng mga botante sa darating na halalan, ang nangyayari ay ang iba sa amin ang nagsisibing ugat o pasimuno ng pagpapakalat ng mga pekeng balita (istorya o kuwento ang bansag ko dahil kadalasan ay walang byline ng sumulat) para iligaw o pagtakpan ang katotohanan sa publiko.

Ito ang nagaganap na sabwatan ng mga tiwaling mamamahayag at mga desperadong dirty politicians na siguro, dahil batid nilang hindi sila mananalo sa matino nilang katunggali, ang pokus na lang ay gibain ang reputasyon ng kalaban o yung tinatawag na “character assassination” sa pamamagitan ng mga pekeng impormasyon sa media, kadalasan ay sa mga tabloid, na inilalagay naman ang links sa Facebook page na peke o mapanlinlang din ang mga nilalaman.

Ang resulta – 69% ngayon ng mga matatandang Pinoy ang naniniwalang nakakabahala na ang mga pekeng balita sa media – radio, telebisyon at peryodiko – at kahit sa Facebook. Batay ito sa survey ng Social Weather Stations na inilabas nitong nakaraang Feb. 25.

##########

Putsa! Pinutol ng Russian government ang access sa Facebook ng kanilang mamamayan kaugnay sa patuloy na ginagawang pananakop ng armadong puwersa ni President Vladimir Putin sa karatig na bansang Ukraine. Maraming mga Ruso ang nagsasagawa ng protesta bilang pagtutol sa gerang inilunsad ng kanilang pangulo. At ngayong nawalan sila ng Facebook, malamang ay mas lalong dadami ang mga demonstrador laban sa gubyerno ni Putin. Pero magaganap ito kung kasing-adik ng mga Pinoy ang mga Ruso sa social media partikular sa Facebook. Ha, ha, ha!

Ano kaya at ipagbawal din ng pamahalaan ang Facebook sa Pilipinas? Ito ang tiyak na maglulunsad ng malaking giyera sibil na tatalo sa mahigit 50 taon nang rebelyon ng mga komunistang rebelde. Batay sa datos as of December 2021, tinatayang nasa 95, 700, 000 ang Facebook users sa Pilipinas at 53.4% sa mga ito ay kababaihan. Sa kanilang hanay nagsimula ang maraming “Marites” sa kasalukuyang panahon.