RIDER NABAGSAKAN NG CONTAINER VAN, PATAY

frontpage online news - Batangas City Map

Ylou Dagos

Kamatayan ang sinapit ng isang rider na minamalas na magbagsakan ng nalaglag na container van mula sa kinalulunan nitong trailer truck sa Batangas City Lunes ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang 44-anyos na biktimang si Franklin Masilungan, residente ng Brgy. Pook ni Banal, San Pascual matapos na ito at ang kanyang motorsiklo ay madaganan ng container.

Batay sa report ng Batangas City police, nakahinto ang motorsiklo ng biktima sa shoulder ng M. Pastor Avenue sakop ng Barangay Pallocan West nang masapol ang mga ito ng 20 ft container van na nalaglag mula sa trailer truck na minamaneho ni Herwin Ador na pag-aari ng Asian Marine Transport Corporation mula sa Cebu City.

Patungo sa direksyon ng Batangas-Tabangao-Lobo road ang trailer truck nang sumabit sa kable ng PLDT ang taas na bahagi ng container kaya natanggal at nalaglag ito sa kinatatayuan ng biktima.

Nagtamo ang biktima ng mga pinsala sa ibat-ibang bahagi ng katawan at isinugod ng mga tauhan ng City Emergency Response Team sa Batangas Medical Center subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang driver ng trailer truck at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to properties.