7 BIGTIME DRUG PUSHERS NADAKIP SA CAVITE, RIZAL; P648K SHABU NASILAT

frontpage online news - Hindi lang sa pamamagitan ng panghuhuli sa mga drug pushers ang gera laban sa iligal na droga. Patuloy din ang propaganda ng pulisya sa social media upang ilantad ang salot. (Photo from Dasmariñas PNP Facebook)
Hindi lang sa pamamagitan ng panghuhuli sa mga drug pushers ang gera laban sa iligal na droga. Patuloy din ang propaganda ng pulisya sa social media upang ilantad ang salot. (Photo from Dasmariñas PNP Facebook)

Sonny T. Mallari

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pitong hinihinalang bigtime drug pushers ang bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas at nasakote ang shabu na nagkakahalaga ng P648,500 sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Cavite at Rizal nitong Martes at Miyerkules.

Sa report ng Police Regional Office 4-A, dinakip sina Sabino Pinca at Jeneboy Villar pagkatapos na pagbentahan ng shabu ang isang operatiba na nagpanggap na drug user sa Barangay San Juan sa Cainta, Rizal dakong 2:45 ng umaga, March 9.

Nakuha sa dalawang suspek ang siyam na plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 30 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P204,000 batay sa presyo ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Kinumpiska rin ng mga pulis ang isang motorsiklo na pinaniniwalaang ginagamit ng mga suspek sa distribusyon ng iligal na droga.

Sa bayan ng Taytay sa lalawigan din ng Rizal ay dinakma naman ng mga awtoridad sina Asgar Bongcarawan, Ryan Escraela at Noel Casiber sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Muzon noong Martes.

Kumpiskado sa dalawa ang 13 sachets ng shabu na may timbang na 40 gramo at may presyong P272,000 sa iskoran ng mga adik.

Binatak din ng mga parak ang isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspek.

Sa Dasmariñas City sa Cavite, hinuli rin sina Mansawi Maranget at Liza Escopete sa buy-bust operation sa Barangay Sta. Lucia bandang 8:40 ng gabi ng Martes.

Tatlong sachets ng shabu na may timbang na 25 gramo at may halagang P172,500 sa sukatan ng DDB ang nakuha sa dalawang tulak.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung saan nanggaling ang mga shabu at sino ang suppliers ng mga suspek.

Nakakulong sa piitan ang pitong suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.