NATIONAL WOMEN’S MONTH: MGA BABAENG PULIS PINARANGALAN

frontpage online news - Ang mga babaeng miyembro ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na pinarangalan dahil sa kanilang husay at dedikasyon sa kanilang tungkulin bilang bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month ngayong Marso 2022. (BPPO photo)
Ang mga babaeng miyembro ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) na pinarangalan dahil sa kanilang husay at dedikasyon sa kanilang tungkulin bilang bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month ngayong Marso 2022. (BPPO photo)

Lyka Manalo

Binigyang parangal ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang mga natatanging babaeng pulis bilang bahagi ng kanilang programa para sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong Marso.

Kabilang sa mga binigyang pagkilala sina Police Lieutenant Michelle P Bastawang, Police Senior Master Sergeant Catherin T Llanes, Police Master Sergeant Mayeth M Maniquis, Police Staff Sergeant Mildred M Edra, Police Corporal Alyssa Ashley D De Torres, Police Corporal Maricel M Malabuyoc, at Patrolwoman Leny F Bandol.

Ang pagbibigay ng parangal ay isinagawa sa kanilang Kick-Off Ceremony noong Lunes, Marso 7 sa Camp Miguel Malvar, Batangas City.

Ang mga ginawaran ng parangal ay nagpakita ng pagiging huwaran, kahusayan, katapatan, at dedikasyon bilang miyembro ng Batangas Police.

“Kami po sa Batangas PPO ay patuloy sa pagsasagawa ng mga positibong aksyon upang maisulong ang pagkakapantay-pantay sa halos lahat ng aspeto ng buhay para sa mga kababaihan at bumuo ng isang mas makatarungan at matatag na komunidad.” Ayon kay Police Colonel Glicerio Cansilao, provincial director ng BPPO.

Naging panauhing pandangal sa selebrasyon si Maria Kristine Josefina G. Balmes, ang tumatayong Deputy Executive Director for Operations ng Philippine Commission on Women (PCW). 

Sa kanyang mensahe, ikinagagalak niya na ang kapulisan ng Batangas PPO ay kaisa ng PCW at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsusulong ng Women Empowerment na may temang “We Make Change Work for Women: Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran”.

Ikinagalak ni Balmes na may babaeng pulis sa hanay ng mga hepe ng pulisya sa probinsya ng Batangas at lubos ang kanyang pasasalamat sa PNP partikular sa Women and Children Protection Unit sa aktibong pagsuporta sa “18-Day Campaign to End Violence Against Women”. 

Layunin nito na protektahan ang mga karapatang pantao ng kababaihan at mga batang babae mula sa lahat ng uri ng karahasan sa pamamagitan ng mga batas at alituntunin na nakasaad sa ating Saligang Batas.