PANG-ANIM SA CALABARZON WANTED LIST TIMBOG SA CAVITE

frontpage online news - Ang mugshot ng wanted sa kasong murder pagkatapos siyang madakip sa Silang, Cavite (Litrato mula sa Facebook ng Quezon PNP)
Ang mugshot ng wanted sa kasong murder pagkatapos siyang madakip sa Silang, Cavite (Litrato mula sa Facebook ng Quezon PNP)

Sonny T. Mallari

CAMP NAKAR, Lucena City – Isang 47-anyos na construction worker at pang-anim sa listahan ng mga wanted na kriminal sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) region ang nahuli ng pulisya sa bayan ng Silang Cavite araw ng Miyerkules.

Kinilala ni Police Colonel Joel Villanueva, Quezon police chief, ang nahuling wanted na si Rodulfo Castro, residente ng Sitio Abuhan sa Barangay Maguyam, Silang.

Sa report ni Villanueva, nasakote si Castro ng magkasanib na puwersa ng pulisya mula sa Calauag, Quezon at Silang na armado ng warrant of arrest matapos na lusubin ng mga ito ang safehouse ni Castro sa Maguyam dakong 12:20 ng hapon.

Si Castro ay nahaharap sa kasong murder sa Regional Trial Court Branch 63 sa Calauag at walang rekomendadong piyansa sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ang nasabing wanted ay sangkot umano sa isang insidente ng barilan na naganap sa Barangay Marilag sa bayan ng Calauag noong  November 2021, ayon kay Villanueva.

Hindi naman kinilala sa report kung sino ang biktima ni Castro sa nasabing pamamaril.

Ang suspek ay nakakulong sa Calauag police jail.