RANK 10 MOST WANTED PERSON SA BATANGAS, TIMBOG SA LIPA

frontpage online news - Arestado sa isang manhunt operation ang tinaguriang rank 10 Most Wanted sa lalawigan ng Batangas (photo from BPPO)
Arestado sa isang manhunt operation ang tinaguriang rank 10 Most Wanted sa lalawigan ng Batangas (photo from BPPO)

Timbog ang tinaguriang Rank 10 Most Wanted sa Batangas na may kasong Lascivious Conduct sa ikinasang manhunt operation ng pinagsamang pwersa ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit-BPPO, Lipa City Police Station at miyembro ng 1st Batangas Provincial Mobile Force Company sa ganap na ika-9:47 ng umaga kahapon sa Purok 1B, Brgy. Dagatan, Lipa City, Batangas.

Kinilala ni Batangas PPO Provincial Director PCol Glicerio Cansilao ang suspek na si Cedric James Alvarez y Maullion, 22 taong gulang, barista, tubong Brgy. Dagatan, Lipa City at kasalukuyang naninirahan sa Blk 7 Lot 17, Bon Giorno Homes Subd, Brgy. Muntingpulo, Lipa City, Batangas.

Nahuli ang suspek sa nabanggit na lugar sa bisa ng warrant of arrest na may criminal case number 02-105-2022 na iniisyu noong Marso 3, 2022 mula sa Regional Trial Court Branch 2, Lipa City na may kaukulang piyansa na P200,000.00.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Lipa City Police Station ang akusado para sa kaukulang disposisyon.

“Ang mga lumalabag sa batas ay may karampatang parusa na dapat lamang nilang pagbayaran. Ang pagkakaaresto ng akusado ay patunay lamang na kailanman hindi makakapagtago sa batas ang sinumang may pananagutan dito,” banggit ni Cansilao.