4 PATAY, 2 SUGATAN SA BATANGAS ARMED ENCOUNTER

frontpage online news - Nakahandusay ang mga napatay na suspek sa Calatagan Cockpit Arena habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang SOCO sa pinangyarihan ng krimen (photo from BPPO)
Nakahandusay ang mga napatay na suspek sa Calatagan Cockpit Arena habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang SOCO sa pinangyarihan ng krimen (photo from BPPO)

Arnell Ozaeta, Roselle Aquino at Marlon Luistro

Batangas – Apat na katao ang napatay kabilang na ang isang pulis at ikinasugat naman ng dalawang sibilyan sa naganap na shoot-out sa pagitan ng mga pulis at hinihinalang gun-for-hire sa bayan ng Calatagan Sabado ng gabi. 

Kinilala ang nasawing police officer na si Patrolman Gregorio Panganiban Jr, naka assign sa Calatagan Police bilang Assistant Finance Police Non-Commissioned Officer at miyembro ng Traffic Patrol Team.

Nagtamo si Panganiban ng tama ng bala sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan. 

Kinilala naman ang tatlong napatay na suspek na sina Joel Robles Herjas, Rolly Herjas at Gabriel Robles Bahia, pawang mga residente ng Barangay Biga, Calatagan, Batangas. 

Ang mga sibilyan namang sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway ay nagtamo ng tama sa katawan mula sa ligaw na bala at kasalukuyang ginagamot sa Metro Balayan Medical Center. 

Ayon sa report, nakatanggap ng impormasyon ang Calatagan Municipal Police na mayroon umanong tatlong armadong kalalakihan na nakatambay sa paligid ng Calatagan Cockpit Arena pasado alas- 10:00 ng gabi. 

Sa pagsisiyasat, napag-alaman na ang mga armadong suspek ay nagtatangka umanong itumba si Michael Comaya, isang Municipal Councilor ng Lian, Batangas at Administrador ng nabanggit na cockpit arena.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa area para i-verify ang nasabing report. 

Gayunman, habang paparating ang mga pulis, agad umano silang pinaputukan ng mga suspek, hudyat para gumanti ang mga ito hanggang sa mapatay ang tatlong gunman. 

Tinamaan naman sa dibdib si Panganiban at ideneklara na itong dead on arrival sa Metro Balayan Medical Center. 

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Region 4 PNP Director Brig.Gen Antonio Yarra sa mga naulila ni Patrolman Panganiban. 

“Panganiban diligently performed his duties to suppress the suspects from pursuing their criminal act” ani Yarra.

“Huwag na kayong magtangka pang gumawa ng krimen o ano mang iligal dahil ang ating kapulisan dito sa PRO CALABARZON ay nakaalerto at handang tumugon sa anumang mga insidente at ipatupad ang batas,” dagdag nito.