ANAK NI VP LENI, GIGIL NA RIN SA BATIKUSAN SA KAMPANYA

frontpage online news - Kahit bumubuhos ang ulan ay sumama si Dr. Tricia Robredo sa mga taga-suporta ng ni Vice President Leni Robredo at running mate Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa lalawigan ng Quezon para magpalitrato at kumustahan. (Litrato mula kay Estacio Lim)
Kahit bumubuhos ang ulan ay sumama si Dr. Tricia Robredo sa mga taga-suporta ng ni Vice President Leni Robredo at running mate Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa lalawigan ng Quezon para magpalitrato at kumustahan. (Litrato mula kay Estacio Lim)

Sonny T. Mallari

LUCENA CITY – Hindi man binanggit ang mga espisipikong dahilan, inamin ng anak ni Vice President Leni Robredo, kandidato sa pagkapangulo ng bansa sa darating na eleksyon, na napipikon na siya sa takbo ng kasalukuyang kampanya.

“Alam kong marami sa atin ay napipikon na rin at gigil na gigil na rin. I will be honest with you, nanggigigil na rin ako. Pero ang lahat ng gigil ibinubuhos na lang natin sa kampanya, ibinubuhos natin sa pagmamahal. Ito ang magpapanalo sa atin sa May 9,” ito ang sinabi ni Dr. Tricia Robredo, pangalawa sa tatlong anak na babae ni Robredo, sa kanyang talumpati sa isinagawang “Quezon Youth Fest”. 

Isinagawa ang aktibidad sa apat na ektaryang damuhan sa tabi ng Sariaya bypass road Barangay Isabang sa siyudad na ito noong Linggo, Marso 13.

Dagdag pa ni Tricia: “Habaan pa natin ang pasensya. Alam natin na hindi tayo nag-iisa. Kung may mang-aaway sa atin, ngitian na lang natin”.

Ang pagtitipon na inabot ng buhos ng ulan ay ikinasa ng Quezon for Leni Movement (QueLeni) at dinaluhan ng mga kabataan mula sa sa lungsod na ito at karatig bayan na nagtataguyod sa kampanya ni Robredo sa panguluhan.

Ayon sa kampo ni Robredo, ang kanilang kandidato ay sentro ngayon ng mga walang basehang batikos at pagbaha ng mga pekeng balita at impormasyon dahil sa umaapaw na pagdalo ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor sa bawat kampanyang ginagawa niya sa apat na bahagi ng kapuluan.

Nagpasalamat si Tricia sa lahat ng mga tumutulong sa kanilang kampanya para sa kanyang ina at ang running-mate nito na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan.

Tinanong ni Tricia ang mga dumalo kung kaya ba ng mga kapanalig nila sa lalawigan ng Quezon na tumbasan ang napaulat na 70,000 katao na dumalo sa kanilang kampanya sa Paglaum Sports Complex sa Bacolod City noongBiyernes.

Tinugon siya ng malakas na “Yes” mula sa mga dumalo na pawang basang-basa na sa ulan dahil sa kakulangan ng tents. 

“Kayang-kaya!” ang ganting sigaw naman ni Tricia.

Tinatayang tatlo hanggang apat na libong kabataan ang pumunta sa pagtitipon, ayon kay Estacio Lim, isa sa mga bumubuo ng QueLeni secretariat.

Binalaan ni Tricia ang mga kabataan na sa nagaganap na kampanyahan ay maraming kandidato ang magpapahayag ng pagmamahal sa mga mamamayan at mangangako ng buong paglilingkod na gagawin kung mananalo.

“But the youth know better. Tanungin ninyo sila, asan ang resibo ninyo?” ang sabi niya na sinegundahan ng umaatikabong palakpakan ng mga dumalo.

Binigyang-diin ni Tricia na ang Office of the Vice President ay may track record na maipapakita bilang patunay sa katapatan at kahandaang maglingkod ng bise president.

“Si Leni ay talagang ipaglalaban tayo. Makakaasa po ba kami na iparating ninyo ang mensahe na yun?” minsan pang tinanong ni Tricia ang mga kabataan na muling sumigaw ng pagsang-ayon sa hamon.

Pinayuhan niya ang mga kabataan na patuloy na mangampanya at abutin din ang ibang sektor sa kani-kanilang komunidad.

“Wag tayong makuntento sa atin-atin lang. Sana, mas marami pa tayong kausapin. Sana mas maging bukas tayo sa ibang tao na hindi pareho sa ating paniniwala. At imbitahin natin sila na sumama sa hanay natin, sa kampanya natin,” ang payo ni Tricia.

Ikinuwento niya na tutol silang tatlong magkakapatid sa pagkandidato ng kanilang ina bilang pangulo sa daarating na eleksyon.

“Kasi para sa amin, medyo unfair na yung lahat ng paratang sa kanya in the past six years. But we understand why she has to become a candidate. Pinayagan na namin siya,” ang sabi pa niya.

Dagdag pa niya: “Handa kami na kami-kami na lang ang magtutulungan para sa kampanya niya. Pero ngayon, everytime na mameet namin ang mga volunteers na katulad ninyo, umaraw o umulan ay nandito pa rin tayong lahat”.

Pagkatapos ng kanyang talumpati ay bumaba si Tricia mula sa entablado at kahit sa kabila ng bumubuhos na ulan ay nakisalamuha siya sa mga kabataan para sa pagpapalitrato at kumustahan.

Noong Linggo ay nagtweet din si Tricia tungkol sa dinaluhan niyang pagtitipon sa Quezon: “One for the books 🙂 

Bumuhos ang ulan pero bumuhos din ang pagmamahal at saya! Tysm sa youth groups natin sa Quezon for this event. 

Sana walang magkasakit sainyo! Sa gobyernong tapat, dapat healthy ang lahat #QueLeniTayo”

Sinabi ni Lim na handang-handa na ang mga taga-Quezon mula sa iba’t ibang sector partikular ang hanay ng mga kabataan sa kampanya para sa tambalang Leni at Kiko.

Pipilitin aniya ng mga taga-suporta ng dalawang kandidato sa lalawigan na makagawa rin ng marka sa araw na magsagawa na ng campaign rally sa lalawigan na pansamantalang naka-iskedyul bago matapos ang buwan.

“Isa itong malaking hamon sa aming lahat dito sa Quezon. Pero hindi namin palalampasin ang pagkakataon na maipamalas ang aming buong solidang pagsuporta sa aming mga kandidato,” ang pagbibigay-diin pa ni Lim.

Ayon pa kay Lim, ang bawat bayan sa lalawigan ay may mga organisadong grupo na nagsusulong ng kampanya para kay Robredo at Pangilinan sa kani-kanilang lokalidad partikular ang pagpapasa ng seremonyal na “torch of hope” o “Leni Liwanag”.

Pagkatapos ng inisyal na kampanya ng lokal na grupo sa kanilang bayan ay ipinapasa ang “torch of hope” sa kinatawan ng mga tagasuporta ni Robredo mula sa karatig na lokalidad upang ipagpatuloy ang pasahan sa iba pang bayan.

“Ang torch of hope ay nagsisilbing bigkis ng aming nagkakaisang pakikibaka at pagkilos para matiyak ang pagwawagi ng aming kandidato para matiyak ang magandang kinabukasan ng sambayanang Pilipino,” ang pahayag ni Lim.

frontpage online news - Hindi mapigilan ng malakas na ulan ang mga kabataang dumalo sa “Quezon Youth Fest” maipakita lang ang todong suporta sa kandidatura ng Leni-Kiko tandem. (Litrato mula kay Estacio Lim)
Hindi mapigilan ng malakas na ulan ang mga kabataang dumalo sa “Quezon Youth Fest” maipakita lang ang todong suporta sa kandidatura ng Leni-Kiko tandem. (Litrato mula kay Estacio Lim)