SITWASYON NG COVID19; BATANGAS PASOK NA SA ALERT LEVEL 1

frontpage online news - Covid 19 stories

Jaimee Mauricio

Batangas City – Hihintayin na lamang ang pormal na deklarasyon na kabilang na ang Batangas sa hanay ng alert level 1 status ng Covid 19 sa buong bansa.

Ito ay matapos na maabot ng Batangas ang mga pamantayan upang maibaba na sa alert level 1 status ang buong lalawigan base sa tinuran ng isang lokal na mambabatas sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, kanina.

Kinumpirma ito ni 2nd District Board Member Arlene Magboo bilang Chairman ng Committee on Health sa kanyang malayang oras, kasabay ng kanyang pagbati sa pamunuan ng Provincial Health Office.

Sa hiwalay na panayam naman kay Dr. Gerald Alday, hepe ng Batangas IATF, nabanggit din nito na nauna na silang binati ni Secretary Vince Dizon dahilan sa nakapasok na ang lalawigan sa standard upang maibaba na sa alert level 1 ang klasipikasyon ng Covid19 sa buong Batangas.

Ayon kay Dr. Gerlad, nakapasok na ang Batangas sa itinatadhang bilang ng mga nababakunahan, particular ang mga senior citizens na halos 80% na ang fully vaccinated.

Sa kabila nito, tiniyak pa rin ni Dr. Alday na magtu-tuloy pa rin ang bakunahan sa lalawigan kasabay ng paalala sa mga kababayan na wag maging kampante.

Sa ngayon inaasahan na ng pamahalaang panlalawigan ang pormal na deklarasyon ng National IATF na kabilang na ang Batangas sa hanay ng mga lugar na ilalagay sa alert level 1.

Sa mga oras na ito ay nasa ilalim pa rin ng alert level 2 status ang Batangas na tatagal hanggang bukas, March 15.