BIÑAN AT CABUYAO, WAGI SA DOH HEALTHY PILIPINAS AWARDS 2022 

frontpage online news - Ang mga kinilalang programa ng Binan at Cabuyao sa Healthy Pilipinas Awards for Healthy Communities 2022 ng Department of Health.  (photo by DOH FB page)
Ang mga kinilalang programa ng Binan at Cabuyao sa Healthy Pilipinas Awards for Healthy Communities 2022 ng Department of Health. (photo by DOH FB page)

Marlon Luistro

Kabilang ang mga lungsod ng Biñan at Cabuyao sa Laguna sa kauna-unahang Healthy Pilipinas Awards for Healthy Communities 2022 ng Department of Health (DOH). 

Yan ay bilang pagkilala sa kanilang huwarang pagsisikap sa pagsulong ng kalusugan at pagtugon sa COVID-19.

Ginanap ang virtual awarding ceremony noong ika-4 ng Marso at dinaluhan ng mga shortlisted finalists sa bansa.

Ipinaabot ni DOH – Center for Health Development – ​​Calabarzon Regional Director Ariel Valencia ang kanyang papuri sa dalawang LGU ng Laguna sa kanilang mga nagawa.

“We congratulate the cities of Biñan and Cabuyao for winning the Healthy Pilipinas Awards, malaki at hindi matatawaran ang tulong ng mga lokal na pamahalaan lalo’t nasa forefront sila para maihatid ang mga serbisyong pang-kalusugan at makatulong sa ating kampanya na mapababa ang kaso ng COVID-19 sa ating bansa,” wika niya.

Kinilala ng DOH ang “Sa Lungsod ng Biñan, BIDA ang may Bakuna,” ng Lungsod ng Biñan – isang kampanya sa pagbabago ng pag-uugali ng mga tao para itaas ang kamalayan sa kahalagahan ng pagbabakuna sa COVID-19 at sa pagbabawas ng panganib ng pagkakaospital at kamatayan; pati na mahigpit na pagsunod sa Minimum Public Health Standards (MPHS) para mabawasan ang pagkalat ng virus.

Samantala, ang lungsod ng Cabuyao naman ay isa sa mga awardees sa ilalim ng kategoryang Sexual and Reproductive Health para sa kanilang lokal na programa sa radyo at TV na pinamagatang “PHD (Population Health and Development),” na naglalahad sa publiko tungkol sa mga isyu sa kalusugan sa pamamagitan ng pagbibigay ng makatotohanan at nauugnay na impormasyon sa kalusugan na mahalaga sa komunidad.

“We acknowledge these local government units for implementing population-wide health promotion activities that are consistent with the principles of the Health Framework Strategy towards the realization of Universal Health Care,” dagdag ni Valencia.

Ang mga kategorya ng Healthy Pilipinas Awards for Healthy Communities 2022 para sa walong priority areas na tinukoy sa DOH Health Promotion Framework Strategy ay kinabibilangan ng Nutrition and Physical Activity, Environmental Health, Immunization, Substance Use, Mental Health, Sexual and Reproductive Health, Pag-iwas sa Karahasan at Pinsala, at ang pagtugon sa COVID-19.

Lahat ng walong priority areas ay nagtataguyod ng Healthy Pilipinas. Limang entries mula sa bawat kategorya ang kinilala batay sa pamantayang itinakda ng DOH.

Tumanggap ng tropeo ang mga nagwagi mula sa DOH at sa mga partner stakeholder nito na USAID ReachHealth, USAID BreakthroughAction, USAID RenewHealth, UNICEF, ImagineLaw, AHA Behavioral Design, MentalHealthPH, Pilipinas Shell Foundation, Inc. (PSFI), at RedScope Communications, Inc.