MAG-INA PATAY SA SUNOG SA CAVITE

frontpage online news - Gen. Trias City Cavite Map

Ylou Dagos   

Nasawi ang isang  31-anyos na ginang  at anak nitong mag dadalawang taong gulang sa sunog na sumiklab sa palengke sa Gen. Trias City, Cavite Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina Rohayni Lumodag , 31, tubong Lanao Del Sur at anak nitong si Raodina, residente ng Metropolis Subd Brgy Manggahan Gen. Trias City.

Batay sa report ng General Trias police, hindi na nakalabas sa kuwarto mula sa nasusunog na establisyemento  ang mag-ina matapos na sumiklab ang apoy sa Genstar Wet and Dry Market na matatagpuan sa Brgy Manggahan,  dakong alas 6:00  ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire protection nagsimula ang sunog sa Berlin Music Lounge and KTV at mabilis na nilamon ng apoy ang mga light materials sa loob nito na umabot sa katabing palengke.

Ayon kay Cavite BFP Prov’l Director Supt. Rene Bullos, hindi na nakalabas ang mag-ina dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.

Naapula ang sunog na umabot sa unang alarma dakong alas 8: 32 na ng gabi.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung magkano ang kabuuang pinsala ng sunog.